VP Leni tiniyak na di niya ibubunyag ang sensitibong impormasyon sa drug war

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 06:12 PM | Updated as of Nov 18 2019 11:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ni Vice President Leni Robredo na hindi niya isasapubliko ang mga sensitibong impormasyon ukol sa kampanya ng pamahalaan kontra droga.

"'Yong assurance naman lahat na sensitive information hindi idi-disclose," sabi ngayong Lunes ni Robredo, ang co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), sa mga mamamahayag sa Senado.

Nauna nang pinagbantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo na sisibakin siya sa kaniyang puwesto sa ICAD kapag ibinulgar nito ang mga sensitibong impormasyon ukol sa drug war sa mga banyaga.

Nagbanta si Duterte matapos makipagpulong ni Robredo sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) at mga opisyal ng Estados Unidos.

Ayon pa kay Robredo, nakapagsumite na siya ng paunang report kay Duterte kaugnay ng mga pagpupulong niya at mga rekomendasyon niya.

Sa gitna ng kaniyang pangakong hindi magsisiwalat ng mga sensitibong impormasyon, tuloy ang pakikipagpulong ni Robredo sa ibang sektor kaugnay ng drug war. Kasama rito ang simbahan, at mga gobyerno ng Japan, Australia at Thailand. 

Samantala, tiniyak naman ng Philippine Drug Enforcement Agency na ibibigay nito ang listahan ng high-value targets kay Robredo.

Si Robredo lang ang nabigyan ng clearance na makakuha ng kopya ng listahan, ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon. -- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.