Mga residente ng Santa Ana, Cagayan, pinayuhang lumikas

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 05:00 PM

Iniutos na ni Santa Ana, Cagayan Mayor Nelson Robinion ang preemptive evacuation ng mga residenteng nakatira sa flood-prone barangays sa kanilang munisipalidad.

Nagpupulong na rin ang lahat ng opisyal at tauhan ng mga ahensiyang saklaw ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa municipal gym ng bayan para pag-usapan ang mga dapat gawin.

Nitong unang linggo ng Nobyembre, may mga barangay sa Sta. Ana na inabot ng baha dahil sa bagyong Quiel.

Dahil dito, minabuti na ng lokal na pamahalaan at mga residente na lumikas bago pa manalasa ang bagyong Ramon.

Nasa 16 na barangay hall ang gagamitin sa evacuation. Dadalhin naman ang ibang mga residente sa municipal gym.

Pinag-iisipan na rin ng lokal na pamahalaan na papirmahin ng waiver ang mga residenteng ayaw lumikas para walang sisihan kung sakaling magkaroon ng pinsala dahil sa baha.

Kasalukuyang nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 2 sa lalawigan ng Cagayan, pati na sa mga bayan ng Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini, at Divilacan sa Isabela, Apayao, Kalinga, at Ilocos Norte.

Huling namataan ang bagyong Ramon sa layong 140 kilometro silangang hilagang silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa hilagang bahagi ng Cagayan Lunes ng gabi hanggang Martes ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.