Mga humihingi ng medical aid maagang nagpunta sa PAGCOR office

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 05:06 PM | Updated as of Nov 18 2019 10:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa si Carolyn Cosico sa mga unang dumating sa tanggapan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa United Nations Avenue, Maynila nitong alas-5 ng madaling araw ng Lunes.

Nasa P300,000 ang singil ng ospital sa tiyuhin ni Cosico dahil sa 2 linggong pagkaka-confine matapos ma-stroke.

"Nagbakasakali lang ako na makakuha ng financial assistance. Kung ano'ng tulong ang mabibigay nila, tatanggapin ko naman po kahit kaunti," ani Cosico sa panayam ng ABS-CBN News.

Isa rin sa mga maagang nagtungo sa tanggapan ng PAGCOR ang stroke survivor na si Reynaldo Torres.

Kahit nakasaklay, bumiyahe si Torres mula Marikina hanggang Maynila sa pag-asang makakukuha ng tulong mula sa PAGCOR.

"Kailangang-kailangan eh. Wala akong kakayahang bumili ng gamot, baka sakaling mabigyan ako," ani Torres.

Simula ngayong Lunes, muli nang tatanggap ang PAGCOR ng aplikasyon para sa medical financial assistance.

Pansamantalang itinigil ng PAGCOR noong nakaraang linggo ang pagtanggap sa mga aplikasyon kasunod ng tangkang pag-defraud o pagloko sa ahensiya gamit ang mga pekeng dokumento.

MGA APLIKANTE SASALAIN

Sa pahayag, sinabi ng PAGCOR na makikipagtulungan sila sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para masala ang mga humihingi ng medical assistance.

Ieendorso ng PAGCOR ang aplikasyon sa PCSO, na maglalabas naman ng guarantee letter para sa aplikante.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.