Grab inutusang i-refund ang P5-M sobrang singil sa mga pasahero

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 05:32 PM | Updated as of Nov 18 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Mahigit 5 buwan nang hindi gumagamit ng ride-hailing app na Grab si Juday dahil bukod sa mahal umano, hindi na rin daw ito madaling gamitin.

"Sa akin kasi kapag nagmamadali ka, abala," aniya.

Para naman sa mga driver tulad ni Manny Galela, hindi na maganda ang kinikita nila sa pagmamaneho ng Grab dahil sa matinding trapik.

"Pangbayad nitong kotse kasi nga hinuhulugan ko pa... minsan kapag kapos, si misis ang nagdadagdag," ani Galela.

Base sa higit isang taong pagmo-monitor o pagbabantay ng Philippine Competition Commission (PCC), lumalabas na hindi pa rin sapat ang ginagawa ng Grab para gawing mas patas ang pasahe at pagbutihin ang mga serbisyo nito.

Sa review ng PCC, naging "virtual monopoly" na ang Grab matapos nitong bilhin ang Southeast Asia business ng Uber.

"The overall objective of this undertaking is to restore competition in the ride-hailing public," ani PCC Chairman Arsenio Balisacan.

Kaya inatasan ng PCC ang Grab na i-refund ang P5 milyon overchargers o sobrang singil ng kompanya sa mga pasahero nito.

Kasama ito sa higit P23 milyong multa na ipinataw ng PCC sa Grab dahil sa hindi pagsunod ng ride-hailing firm sa pinagkasunduang price cap na 22.5 percent average kada buwan sa unang 8 buwan ng pag-monitor ng PCC sa kompanya.

Ayon pa sa PCC, sumang-ayon ang Grab na pahabain pa ang voluntary commitments nito hanggang sa magkaroon ng maayos na kompetisyon sa local transport network market.

Iginiit naman ng Grab na patuloy nitong sinusunod ang fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at nangakong makikipagtulungan sa PCC para maibigay ang refund sa mga apektadong pasahero.

Wala nang balak ang Grab na apelahin ang multa at mayroon pa naman daw sila hanggang Disyembre 14 para bayaran ito.

-- Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.