6 sundalong namatay sa engkuwentro sa E. Samar, naiuwi na

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 09:57 PM

Nadala na sa kani-kanilang lugar ang mga labi ng anim na sundalong namatay sa engkuwentro sa Borongan City sa Eastern Samar noong nakaraang linggo.

Nitong Sabado isinagawa sa Camp Vicente Lukban ang isang send-off ceremony para sa mga sundalo.

Tatlong araw na ibinurol ang kanilang mga labi sa kampo bago dinala sa kanilang mga bayan.

Kasama sa mga namatay sa nasabing engkuwentro sina Sergeant Rex Jadulco ng Motiong, Samar; Corporal Limar Banug ng Borongan City; Corporal Ronaldo Go at Private First Class Junmar Buranday na kapwa taga-Burauen, Leyte; Private First Class Kent Loyd Agullo ng Arteche Eastern Samar at Private Charlie Del Rosario ng Kalinga, Apayao.

Ayon sa 8th Infantry Division ng Philippine Army, kahit nadala na sa kani-kanilang lugar ang mga namatay na sundalo ay mahigpit pa rin ang seguridad na ipapatupad hanggang na mailibing ang mga ito.

Hindi naman nagbigay ng impormasyon ang militar kung kailan ang libing ng mga sundalo para na rin sa kanilang seguridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.