26 sumuko sa Iwahig prison dahil sa GCTA pinalaya na

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2019 05:30 PM

PALAWAN - Pinalaya ngayong umaga ng Lunes ang 26 taong dating nakapiit sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) na muling bumalik sa kulungan dahil sa kontrobersiyal na good conduct time allowance (GCTA) law.

Matapos ang 2 buwang paghihintay, pinalaya ang 26 tao matapos makakuha ng certificate of discharge mula sa oversight committee ng Department of Justice.

"Nagpapasalamat nga kami sa inyong pasensya at humihingi na rin ako, kami, ng pasensya na rin, ng unawa," sabi ni Correction Senior Superintendent Gerry Aro, Superintendent ng IPPF, sa mga napalaya.

Sumuko ang 185 indibiduwal sa IPPF matapos itong ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre dahil sa kontrobersiyang kinaharap ng GCTA law.

Limampu't anim dapat ang palalayain nitong Lunes pero ang ilan sa kanila ay lumayas mula sa kulungan dahil sa pagkadismaya sa tagal ng proseso ng pagpapalaya at hirap ng situwasyon sa loob.

Nanawagan naman si IPPF public information officer Levy Evangelista sa mga lumayas na bumalik sa kulungan.

"Nire-request po naming sila na bumalik po sila rito para hindi na po magkaroon ng problema. Nang sa gayon ay makuha na rin po nila 'yung kanilang individual certificate of discharge from prison," ani Evangelista.

Pero hindi matiyak ni Evangelista kung paparusahan ang mga lumayas o kung makakaapekto ang paglayas sa certificate of discharge.

Inaasahang madagdagan pa ang mga mapapalaya mula IPPF sa oras na matapos ng oversight committee ang papeles ng iba pang mga sumuko.

Pumutok ang isyu sa GCTA nang muntik nang mapalaya ang convicted rapist-killer na si Antonio Sanchez.

-- Ulat ni Diana Lat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.