SUV ng biyenan ni Grace Poe nahulog mula sa ika-3 palapag ng mall

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2018 10:58 AM | Updated as of Nov 19 2018 07:52 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- (UPDATED) Sugatan ang 83-anyos na biyenan ni Sen. Grace Poe matapos mahulog ang minamaneho nitong sports utility vehicle mula sa ikatlong palapag ng isang shopping mall sa Greenhills, San Juan ngayong Linggo. 

Ayon sa pulisya, kakaakyat lang sa parking area ng driver na si Teodoro Paraiso Llamanzares nang biglang umarangkada ang sasakyan nito hanggang tumama sa bakal na railing at mahulog sa ground floor, dakong alas-10 ng umaga. 

Nasa stable na kondisyon na si Llamanzares, ayon sa management ng Promenade mall. 

Bukod sa driver, wala namang ibang nadamay sa aksidente, dagdag ng pulisya. 

Ani Poe, naka-seatbelt ang kaniyang biyenan kaya nagtamo lang siya ng kaunting bali at mga galos. Inaasahan rin aniya nilang agad itong gagaling. 

Nagpasalamat din siya sa lahat ng nagdasal para sa kaniyang biyenan. 
 
Inaalam pa kung human error o pagkukulang sa gusali ang sanhi ng insidente. 

Normal naman ang operasyon ng mall. -- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News ​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.