Pananatili ng labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ipinrotesta

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2018 06:47 PM

Pagkulong kay Imelda Marcos, hiniling din

Watch more in iWant or TFC.tv

Sumugod sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City ngayong Linggo ang ilang demonstrador kasabay ng ikalawang taon ng pagpapalibing doon kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Bitbit ang mga pala at suot ang kanilang mga T-shirt na may nakasulat na "HUKAYIN," maagang nagtungo sa LNMB ang grupong #BlockMarcos para iprotesta ang pananatili roon ng yumaong diktador.

"Hindi dito sa isang libingan kung saan nakaratay iyong mga marami nating mga bayani. Hindi po bayani si Marcos, " ani #BlockMarcos spokesperson Herbert Lucena.

Sang-ayon din si dating Commission on Human Rights chief Loretta Rosales sa pagpapaalis sa labi ni Marcos sa pambansang libingan. Dating bilanggong politikal si Rosales sa panahon ni Marcos. 

"Sabi ni Imee, 'We must move on.' Sa palagay ko sa halip na mag-move on... they must move out of Libingan ng mga Bayani," ani Rosales, na binanggit ang isang dating pahayag ng anak ni Ferdinand na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

"Napakita ng korte na sila ay mandarambog at magnanakaw," dagdag pa ni Rosales, na tinutukoy naman ang pagkakahatol kamakailan ng Sandiganbayan kay dating First Lady Imelda Marcos, kasalukuyang congreswoman ng Ilocos Norte, para sa kasong graft.

Inilibing noong 2016 sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni Marcos.

Nagtungo rin si Rosales ngayong Linggo sa People Power Monument sa Quezon City at nakiisa sa mga biktima ng pang-aabuso noong batas militar sa protestang tinawag na "ImeldaIselda."

Isang people's warrant of arrest laban kay Imelda ang ipinakita ng mga demonstrador. 

Nanawagan din ang mga demonstrador sa publiko na huwag nang bigyan ng pagkakataon sa susunod na taon ang mga miyembro ng pamilya Marcos na muling magkaposisyon sa gobyerno.

Naghain ng kandidatura sa pagkasenador si Imee habang Ilocos Norte governor naman ang tatakbuhin ni Imelda.

Noong Nobyembre 9, hinatulang guilty ng Sandiganbayan ang misis ni Ferdinand na si Imelda sa pitong counts ng graft dahil sa paggamit umano nito ng kaniyang posisyon upang magpanatili ng mga Swiss bank account noong panahon ng rehimeng Marcos.

Sinasabing ginamit ng pamilya Marcos ang mga Swiss bank account upang itago ang kanilang mga ninakaw na pera mula sa gobyerno. 

Pero pinayagan noong Biyernes ng Sandiganbayan si Imelda na pansamantalang makalaya habang pinag-aaralan pa ng kanilang kampo ang mga posibleng legal na remedyo.

Nagbayad ang kampo ni Imelda ng piyansang P150,000.

--Ulat nina Bianca Dava at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.