Failon Ngayon: Pagmamaneho ng Lasing

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2018 06:20 PM | Updated as of Feb 19 2020 03:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maayos na makina… check! Kumakagat na break… check! Seat belt… check! Pero paano kung ang problema nasa ibang motorista pala?!

Noong nakaraang linggo, isang insidente na naman ng pagmamaneho ng lasing ang nangyari sa Pasig. Bukod sa lasing ang nagmamaneho, tinakas lang ng suspek ang kotse. At nakapamerwisyo pa ng dalawang sasakyan at isang nagbibisikleta!

Ang balita ng mga senglot na nasasangkot sa malagim na trahedya sa kalsada ay hindi na bago. Minsan na rin naming tinampok sa programa ang insidente na nangyari sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong 2013 kung saan tatlo ang namatay at anim ang sugatan. Nakikipagkarera umano ang S-U-V sa isa pang sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue pero bigla itong tumagilid nang subukang pumihit papunta sa Katuparan street. 

Isa sa mga nangungulilang ina si Nanay Hilda Montefalco, ina ni Jhuliet, biktima ng aksidente sa kalsada. Limang taon na ang lumipas at ang kaso raw sa pagkamatay ng anak ay usad-pagong pa rin. Habang ang suspek sa kaso ay pansamantala naman daw nakakalaya.

Para magtanda na raw ang mga motorista na wag gawin ang pagmamaneho ng lasing, isinabatas ang RA 10586 o mas kilala bilang Anti-Drunked and Drugged Driving Act of 2013. Paliwanag o ni Chief Roberto Valera ng LTO Field Enforcement Division - Law Enforcement Service sa mga parusa, “ang saklaw nito dapat nagdadrive ka under the influence ng liquor at under influence of prohibited drugs. Pag holder ka ng professional license, first offense perpetual revocation. 'Pag non-professional, two strike policy. First conviction, one year revocation... second, perpetual revocation. Mabibilango ka pa.”

Magkakasangga ang iba’t ibang ahensya tulad ng LTO, MMDA, LGU at PNP personel sa pag-alis ng mga lasing at sabog sa droga sa lansangan. 

Kung sakali nga na ikaw ay masuspetchahan na nakainom o nasa impluwensya ng iligal na droga, “Meron tayong tinatawag na probable cause yun yung traffic violations kapag meron flagged down yung driver. Pabababain mo sa sasakyan para ma-test. He has to undergo three sobriety test. Una, yan ung horizontal gaze. Susundan ang movement ng isang lapis o pen-light one foot away from the eyes. Another test, yung one leg stand. Tatayo siya ng isang leg naka-raise ng six inches above the ground. He will count 30 seconds. Pangatlo po ay ang walk and turn. 9 steps heel to toe then turn and lakad tapos babalik without difficulties,” paliwanag ni Chief Valera. At kung sila nga ay babagsak kahit sa isa sa tatlong test na na ito, sila ay isasalalim na sa alcohol breath analyzer.

Para naman sa mga high sa iligal na droga, paliwanag ni Chief Valero, “Ang tinatawag dyan ay drug recognition protocol. Ang isa dyan ay scourge speech tapos ung mukha niya favory pale. Ang amin lang na fully develop as far as the law is concerned ay ung sa drunk driving. But in the absence of the drug recognition protocol we rely on the expertise ng PDEA and of course the national lab of DOH.”

Taon 2013 pa ng pormal na isinabatas ang pagbabawal sa lansangan ng mga lasing at mga nasa ilalim ng impluwensya ng iligal na droga. Mula ba noon hanggang ngayon, naging sapat ba ang mga kagamitan at pamamaraan ng mga otoridad para pigilan ang mga motorista na takaw-aksidente?

Ayon sa LTO may 756 units sila ng alcohol breath analyzer na ibabahagi sa PNP, HPG at MMDA. Ayon kay Chief Valera, “38 thousand yung isang unit na bago. Right now meron pa kaming nasa property pero dito samin sa law enforcement office meron kaming 20 units na bago tapos 8 units na luma kasi for distribution din yan sa regions. Ang implementation nito ay nationwide. Ang ratio ay per patrol car. Sufficient yan.”

Ayon naman kay PSUPT Oliver Tanseco ng PNP-HPG, “Sa totoo kulang ang number na ito kaya nga ang sabi ng batas ay dapat ang PNP ay maprocure pa ng dagdag na alcohol breath analyzer”.

Ayon naman sa MMDA, hindi pa nila magamit ang ibinigay ng LTO na alcoholic breath analyzer dahil kulang pa ang mga enforcers nila na nade-deputize manghuli.

Kung naghahabol pa sa pag-deputize at pagbili ng kagamitan ang mga ahensya, paano mababantayan ang lansangan ngayong kaliwa’t kanan na naman ang happenings sa kapaskuhan?

May checkpoint naman daw na isinasagawa ang LTO. Saad ni Chief Valera, “Dapat yan gabi kasi nag-iinom sila gabi so up to 1-2 o' clock in the morning yan. Tapos we bring penlight kasi vini-videohan namin yan dapat properly documented kasi ipapakita namin na during the conduct of sobriety test nakikita mo natutumba siya. Hindi niya kaya. Sinusulat din namin ung result.”

Ayon sa grupong National Center for Commuters Safety, hindi raw nila nakikitaan ng ngipin ang batas na ito. Nagkakaroon lang ng implementation kapag meron lang aksidente. Matindi ang penalty pero kung ang implementation, kulang ang breath analyzer.

Sa likod ng mga isyung ito sa Anti-Drunk and Drugged Act, umaasa naman si Nanay Hilda na wala nang buhay na masayang dahil sa kapabayaan ng iba at ang hustisya ay makamit na nila.

---

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice, 11:00 ng gabi sa ABS-CBN!

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon.

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook page, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.

I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at IwantTV! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang https:https://www.iwant.ph.