Failon Ngayon: Anti-Distracted Driving Act

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2018 04:53 PM | Updated as of Feb 19 2020 03:51 PM

Watch more on iWantTFC

Huwag gamitin ang cellphone habang nagmamaneho, madalas na payo sa mga nagmamaneho pero laging nakakalimutang gawin. Isa nga si Alyas 'Danica' na aminadong gumagamit ng gadget sa loob ng sasakyan habang hawak ang manibela.

Dahil sa pagtutok sa kanyang gadget, hindi namalayan ni Danica na nakatutok na rin pala siya sa sasakyan sa kanyang harapan at tuluyang naaksidente. Aminado naman si Danica sa kanyang kamalian.

Buti nga sana kung sasakyan lamang ang apektado, paano kung buhay pa ang malagay sa peligro? Gaya ng nangyari kay Jennifer Romero ng Bacoor, Cavite.

Nitong nakaraang buwan ay nasangkot siya sa isang aksidente. Busy kasi sa telepono ang tsuper ng taxi na kanyang sinasakyan. Nagtamo ng galos si Jennifer at na-trauma sa naging karanasan. Pagtataka ni Jennifer, nasaan ang batas na nagbabawal sa mga maling gawain sa pagmamaneho? 

Dalawang taon na ang nakakaraan ng mapirmahan ang Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act. Naging maingay at magulo nga ang mga unang araw ng implementasyon ng batas na ito gaya ng kung saan ipupwesto ang cellphone, isasama rin ba sa ipagbabawal ang iba pang aksesorya sa dashboard ng sasakyan at iba pa. Pero sa huli, nalinaw rin ang patakaran sa panghuhuli.

Pero makalipas nga po ang mahigit isang taon, kumusta na kaya ang implementasyon ng batas na ito? 

Naglibot kamakailan ang Failon Ngayon sa malalaking kalsada sa iba’t ibang panig ng bansa at ito ang aming nakita, distracted pa rin ang mga motorista. Mapa-kotse, motorsiklo, truck o pampublikong sasakyan man ang cellphone hindi mabitawan.

Ayon sa Nationwide Consolidated Report ng LTO, mahigit 2,000 ADDA violators naman na ang kanilang nahuli mula Mayo 2017 haggang Agosto nitong taon.

Komento naman ni Ray Junia, Chairman ng isang road safety group na Road User Protection Advocates, “Just like in many laws sa bansa natin, there is what I call na ningas kugon disease. Napakagaling nyang pag-umpisa. Give it 2-3 months, mawawala na yan. Nagiging selective na ang enforcement. Marami pa rin akong nakikitang nagce-cellphone sa loob ng sasakyan. So meaning, hindi effective ang enforcement pa rin yan. They should do something about it.”

Ayon kay PSUPT Oliver Tanseco ng PNP Highway Patrol Group, “Kase ganun nga po dapat ang implementation po. Dapat sa una marami talaga ang nahuhuli kase marami pa ang di pa nakakaalam ng batas. Pero sa kalaunan po, yan po ang prinsipyo po ng isang mamamayan na disiplinado na po.”

Ayon naman kay Director Francis Almora ng Law Enfrocement Service ng LTO, “Hindi naman po ito lang ang binibigyan ng pansin, marami po kasing batas na kung ano yung nandun sa sitwasyon na nag-ooperate po yung mga tao natin, yun yung iimplement nila.”

Nahihirapan din daw ang mga law enforcers sa panghuhuli ng mga lumalabag sa batas. “Marami pa rin po ang binabaliktad yung enforcer. Halimbawa nakita po ng aming tauhan ang isang taong gumagamit ng pinagbabawal na gadget, pag hindi napicturan ito o hindi nakuha sa video, napakadali po kasing ibaba. So it creates a lot of discussion kung wala po kaming body cam or proof. We’re trying to equip all our personnel which will happen next year,” paliwanag ni Director Almora.

Ang MMDA pinaiigting naman ang kanilang non-contact apprehension program. “Madami naman tayo mga CCTV footages. Pag ka-hawak ng cellphone kinukuhanan natin ng picture and video tapos kukunin natin yung plate number ng sasakyan. Tapos kung sinong nakarehistro dun, ime-mail natin yung sulat na yun. Siguro itong apprehension, baka wala pa tong 10 o 20% sa tunay na gumagamit pero still, we’re serious about this, paliwanag ni Jojo Garcia, General Manager ng MMDA.

Ayon naman kay Rudy Afable Jr. isang CCTV Operator ng MMDA No Contact Apprehension group, “Okay naman po ang pagbabantay namin, pero minsan nga lang magla-log talaga siya syempre pag tutok po nagla-log... pagbalik wala na po sya. Tapos minsan di rin po namin naabutan yung mga plaka. Paisa-isa lang po yung hinuhuli pag sobrang dami po ng sasakyan.

At para naman sa isyu ng tint ng mga sasakyan upang kitang-kita na ang mga pasaway sa likod ng manibela, paliwanag ni Roberto Valera, Chief Field Enforcement Division ng LTO, “Actually natapos na namin yung consultation with the stakeholders. Nanghingi na rin kami ng mga position papers. We’ll be coming up with a standard kung gaano ang tint sa harap, sa likod, and the side.”

Sana nga po ay hindi lang ito maging batas, sana ito ay sinusunod na batas para maibsan ang mga aksidente sa kalsada.

---

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice, 11:00 ng gabi sa ABS-CBN!

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon.

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook page, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.

I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at Iwant TV! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwantv.com.ph/