DepEd, pinaigting ang kampanya kontra bullying

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2018 06:34 PM

Pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang kanilang programa kontra bullying o pang-aapi para matutukan ang problemang ito sa mga eskuwelahan, sabi ng isang opisyal ng ahensiya.

Ayon kay Suzette Medina ng DepEd Legal Affairs, mahigpit na rin nilang ipinatutupad ang Republic Act No. 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013 para maiwasan ang mga insidente ng pang-aapi sa mga paaralan. 

"We directed all our regional offices to conduct orientation on positive discipline, Anti-Bullying Act, and child protection policy," ani Medina.

Binitawan ni Medina ang mga pahayag kaugnay sa imbestigasyon ng DepEd sa pang-aapi kay Jemuel Olea, isang 16 anyos na pumanaw noong Oktubre.

Nabatid ng mga magulang ni Jemuel na inaaapi umano noon ang kanilang anak ng mga kaklase nito.

Ipinakita pa ng ama ni Jemuel na si Levi ang video kung saan mapapanood na tila pinagsasampal at sinasakal ang kanilang anak.

Ayon kay Levi, inilabas niya ang video para magsilbing babala sa ibang magulang na maging alerto sa mga insidente ng bullying para matulungan ang mga anak.

"Ang gusto ko mangyari, 'di na maulit 'to," ani Levi.

Bukod sa DepEd, nagkasa na rin ng imbestigasyon ang paaralang pinapasok noon ni Jemuel. 

Ayon sa Philippine Mental Health Association (PMHA), nasa 31 insidente ng bullying sa mga paaralan ang naiuulat sa kanila kada araw sa buong bansa.

Ipinapayo naman ni Dr. Carolina Uno-Rayco, tagapagsalita ng PMHA, sa mga estudyante na magsumbong agad kapag nakararanas ng pang-aapi.

"The child should approach the professionals. In school, puwede iyong guidance counselor," ani Uno-Rayco.

Maaari rin daw kasing mauwi sa depresyon ang bullying.

Para sa mga nakararanas ng emotional crisis at nangangailangan ng tulong, maaaring tawagan ang mga 24/7 HOPELINE:
+632-804-HOPE (4673)
+63917-558-HOPE (4673)
2919 (toll-free number para sa GLOBE at TM subscribers)

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.