SOCO: Magkasintahang estudyante, natagpuang patay sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 08:42 AM

 

Bangkay na nang matagpuan sina John Vincent Umiten, 20 anyos, at kasintahan nitong si 'Yna', 21 anyos, sa talahiban sa Rodriguez, Rizal.

Tanghali noong Oktubre 4 nang makita ng isang rumorondang security guard sa lugar ang mga bangkay.

“Nakita namin 'yung dalawang biktima na wala nang buhay at pareho silang nakatali. Nakagapos 'yung mga kamay,” sabi ng on-case investigator na si PO1 Roderick Calma. 

“Ang initial investigation namin, unang nakita namin 'yung gamit, kalat-kalat. Isang krimen ito ng paghoholdap kasi wala po 'yung mga gadget ng mga biktima.”

Pareho ang pinasukang kolehiyo nina Yna at Vincent noong 2015. Naging magkasintahan ang dalawa nang sumunod na taon.

Kuwento ng mga kaanak ng mga biktima, parehong napilitang lumayo sa kani-kanilang pamilya ang mga dalawa para makapagtapos ng pag-aaral.

“Gusto niya mag-IT kasi mahilig sa computer. Gusto niya rin makapagtayo ng sariling [computer] shop,” kuwento ng nanay ni John Vincent na si Marie Fe Umiten.

“Kinuha siya ng kapatid ko para maipasok ng scholarship kasi nga hindi ko kayang pag-aralin siya.”

“Siya lang po talaga ang nakapag-college sa kanila. Kaya sabi ko, kung ikaw ay makatapos, kunin mo 'yung isang kapatid mo at paaralin mo,” kuwento naman ng pinsan ni Yna na si 'Rina'.

Dagdag ng mga kabarkada ng mga biktima, hindi naman naging balakid ang pagiging magkasintahan ng dalawa sa kanilang pag-aaral.

“Naging mas pursigido si [Yna] sa lahat ng bagay. Minsan nga po, umiiyak pa ‘yun ‘pag hindi nakakapasok,” banggit ni Micaela Rivera, kaibigan ng mga biktima.

“Mabait po kasi si Vincent, tapos masipag din po mag-aral talaga.”

Naging paboritong pasyalan ng dalawa ang lugar ng pinangyarihang krimen.

“Umaakyat po kami sa itaas kasi po 'pag umakyat ka sa itaas, sobrang ganda ng view,” kuwento ni Micaela.

Sundan ang kuwento nina Vincent at 'Yna' sa 'SOCO: Scene of the Crime Operatives' ngayong Sabado, 4 p.m., pagkatapos ng ‘Ipaglaban Mo!’ sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang 'SOCO’ sa Facebook at Twitter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.