Nagpanggap na palaboy, ninakawan ang kumupkop na barangay

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 12:21 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Isang nagpanggap na palaboy ang inampon ng mga tauhan ng Barangay 101 sa Tondo pero pinagnakawan pa nito ang mga tumulong na opisyal. 

Miyerkoles ng hatinggabi nang matagpuan ng mga tauhan ng barangay ang isang binatilyo.

Nang tanungin, palaboy raw ito na nagpakilala sa pangalang Ferdie Jimenez at taga-Olongapo.

"Iniwan raw siya ng mga kasamahan sa paghahanap ng trabaho. 
Tangay pa nga raw ang kaniyang pera at ilang gamit," kuwento ni William Ypon, kapitan ng barangay. 

Sa awa, pinatulog muna ito sa tanggapan ng barangay.
    
Plano sana nila na bigyan ng pamasahe ang binatilyo pauwi sa Olongapo.

Pero habang nasa loob ng barangay hall, nakuhanan ng CCTV ang binatilyo na tila tumitiyempo para makuha ang isang bagay.
    
Nang umalis ang isang tauhan ng barangay, dali-dali nitong kinuha ang isang tablet at isinilid sa dalang bag saka umalis.

Nakita pa itong normal na naglalakad sa labas ng barangay.
    
Nakuha naman ng barangay ang contact ng pamilya ng binatilyo at nakikiusap na sana'y ibalik na lang ang ninakaw na gadget.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.