Alitan dahil sa sinanglang gadget, nauwi sa saksakan

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 11:05 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sugatan ang kinilalang si Owen Medalla matapos saksakin sa likod ng kaniyang nakaalitan sa Tondo.

Pasado alas-2 ng madaling araw ng Sabado ay makikita si Medalla na nakatambay sa kanto ng Kagitingan street.

Maya maya ay nilapitan na siya ng isang grupo at tila nagkainitan sa kanilang usapan.

Nang palibutan si Medalla, nagtawag naman siya ng kaibigan.

Lumakad siya papalayo pero sinundan siya hanggang sa magkatakbuhan.

Makaraan ang ilang saglit ay nasaksak na pala ng isa sa mga 10 suspek si Medalla.

Alitan sa tablet ang tinitingnang anggulo sa pananaksak.

May isang lalaki raw kasing nagngangalang "Noli" na nagsangla sa kapatid ni Medalla ng tablet na sira na pala.

Ayon sa kabarkada ni Medalla, nagkainitan siya at si Noli sa isang birthday party noong Biyernes.

Napag-alamang anak umano ni Noli ang isa sa mga suspek.

"Nag-iinuman lang kami, tapos ayun nagkainitan. Sabi ko tumakbo na siya tapos inabangan pala sa kanto," kuwento ni alyas "Kim," kaibigan ni Medalla.

Dinala ang biktima sa ospital para tingnan kung tinamaan ang kaniyang spinal cord.

Tatlong suspek ang nahuli at dinala na sa Department of Social Welfare and Development. 

Iniimbestigahan pa ng Women's Desk ng Station 2 ang insidente.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.