63-anyos na lolo, patay sa pamamaril sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 02:14 AM

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang isang 63-anyos na lolo matapos pagbabarilin ng "riding-in-tandem" sa Barangay Apopong sa General Santos City Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Kaludin Sumpao.

Ayon kay Imam Bashir Esmael, nakita niyang nakabulagta ang biktima nang sinilip niya sa labas ng Purok 9, Lanton matapos makarinig ng putok ng baril.

Naka-hood na jacket at may takip na panyo sa mukha ang salarin, aniya. 

Agad sumakay ang salarin sa nakamotorsiklo nitong kasamahan at mabilis na umalis palayo.

Bago pa raw ang pamamaril, napansin na niya ang dalawa pero inakala niyang mga habal-habal driver lang.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bukod sa riding-in-tandem, may dalawa umanong kasamahan pa ang mga ito na nagsilbing lookout sa pamamaril.

Agad namang kinuha ng pamilya ang biktima para ipalibing alisunod sa paniniwalang Islam.

Ayon sa apo ng biktima, nakita pa niyang bumili ng sigarilyo ang namaril kaya nakilala niya ito.

Dagdag niya, wala na umanong iba pang motibo sa pamamaril, kundi ang land conflict nila sa bayan ng Malapatan sa Sarangani.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.