3 tiklo sa 'pot session' sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 06:10 AM

Arestado ang dalawang lalaki at isang babae matapos silang mahuli sa gitna umano ng "pot session" sa loob ng isang sasakyan sa Katipunan Ave., Quezon City Sabado ng madaling araw.

Nakuha mula sa kotse ang hinihinalang marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P200 at drug paraphernalia.

Ayon kay Chief Insp. Melchor Rosales, nakaparada sa lugar ang isang surveillance car ng mga operatiba ng Quezon City Police Station 8. Binabantayan umano ng pulis ang mga insidente ng basag-kotse sa lugar. 

Pasado ala-1 ng madaling araw, may napansin silang kahina-hinalang usok sa loob ng isang sasakyan na katabi nito kaya kinatok ng mga operatiba.

Doon na nila nadiskubre na nag-pot session diumano ang tatlong kabataan.

Wala pang pagkakakilanlan ang pulis sa mga nahuli dahil iniinvoke umano ng tatlo ang "right to remain silent" hanggang sa dumating ang kanilang abogado.

Mahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.