12 armadong lalaki arestado sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 10:15 PM

Arestado ang 12 armadong lalaki matapos tangkaing paalisin ang mga residente sa Barangay Carabao, bayan ng Culion, Palawan Miyerkoles.

Ayon sa salaysay ng mga residente sa isla, layunin umano ng mga armadong lalaki na paalisin sila sa kanilang mga tahanan.

Ayon naman sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyong may 12 armadong lalaking lulan ng dalawang bangka at nakasuot ng uniporme ng militar bandang 9:15 ng umaga. 

“Nandoon nga daw at pinapaalis sila doon sa lugar nila, mayroon daw certain na Mr. Valera na nagpapaalis sa kanila,” ani Police Sr. Supt. Gabriel Lopez.

Mababa ang tyansa na miyembro sila ng New People’s Army, ayon sa Palawan Provincial Police Office.

Hindi umano sila nanlaban, isinuko ang mga dalang armas at mapayapang sumama sa mga awtoridad.

“Kung makakaliwa sila, lumaban iyon. Limang pulis lang kasi initial na nagresponde doon,” ani Lopez.

Nakumpiska sa mga lalaki ang pitong baril, assorted bullets, isang chainsaw, handheld radio, combat shoes, army uniform at 14 na cellphone.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Nahaharap sila sa kasong unlawful acquisition or possession of firearms and ammunition. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.