MAYNILA — Inaresto ng pulisya ang top 5 most wanted person sa Cavite para sa kasong murder.
Nagmula ang kaso sa buy-bust operation sa Dasmariñas, Cavite noong September 2021. Natunugan umano ng suspek na si Marlon Pacia at anak niyang si Jomarie na pulis ang katransaksyon kaya pinaputukan ang mga ito.
Sugatan ang isa habang namatay naman si Staff Sergeant Karl Marty Manzanilla dahil sa tama sa dibdib at ulo, ayon kay Brigadier General Paul Kenneth Lucas, hepe ng Calabarzon police.
"Nagkaroon ng palitan ng putok noong nangyari yun. Sa kasamaang palad natamaan at nasawi itong si Staff Sergeant Manzanilla and napag-alaman natin sa investigation na ang namaril ay itong si Marlon Pacia at anak niyang si Jomarie Pacia," ani Lucas.
Nahaharap din sa mga kasong direct assault, attempted murder at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang nakakatandang Pacia.
Ayon naman kay Police Lt. Col Vicente Cabatingan, officer-in-charge ng regional intelligence division ng PNP-Calabarazon, nagsagawa sila ng backtracking para mahuli ang top 5 most wanted.
"Meron nagbigay sa atin ng info na bumalik dito sa Bacoor kasi mga more than 1 year siyang wala sa 4-A kasi nga lahat ng unit siya ang tinutukan," ani Cabatingan.
Nananawagan si Lucas sa publiko na magbigay ng impormasyon para mahuli rin ang anak ng suspek.
Mayroong P100,000 pabuya kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon sa paghuli kay Jomarie.
Itinanggi naman ni Pacia ang kaso ng pagpatay na isinampa laban sa kanya.
"Napagbintangan lang sa akin talaga. Talagang hindi naman kami gumawa noong ano. Nasa bahay po namin, katabi ko yung dalawang bata hindi ko po maisip kung ako po babarilin noon eh kung naputukan ako e di damay pa yung dalawang batang anak ko," aniya.
Patuloy ang pagtugis ng mga pulis kay Jomarie habang nakakulong na sa Bacoor City Jail ang kanyang ama. Walang inirekomendang piyansa ang kinakaharap na kasong murder.
IBA PANG BALITA:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.