PatrolPH

PANOORIN: Ilang lugar sa Mindanao niyanig ng malakas na lindol

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2023 05:33 PM | Updated as of Nov 17 2023 06:05 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATED) Nakuhanan ng video ang pagyanig sa ilang lugar sa Mindanao, na epekto ng magnitude 6.8 na lindol na tumama ngayong hapon ng Biyernes.

Sa isang video, mapapanood na naglabasan ng restaurant ang mga empleyado ng isang hotel sa Koronadal City matapos maramdaman ang lindol. Maririnig din ang sigawan ng mga empleyado at tunog ng mga nababasag na gamit sa kusina.
 
Dahil sa lakas ng pagyanig, makikita rin sa video na sumasayaw ang mga halamang nakasabit.

Nakuhanan din ng video ang paglabas ng opisina ng ilang empleyado ng local government unit ng Butuan City.

Wala namang naiulat na napinsala sa lindol sa Butuan City.
 
Sa General Santos City, tila nagkaroon ng exodus dahil sa paglabas ng mga tao mula sa mga opisina, paaralan at ospital.

Mabagal na rin ang usad ng mga sasakyan sa lungsod.

Nakapatay din ang traffic lights sa lungsod matapos mawalan ng kuryente ang malaking bahagi ng SOCCSKSARGEN region.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala sa ilalim ng karagatan ang epicenter ng lindol.

Naramdaman umano ang instrumental intensity 8 sa Glan, Sarangani at General Santos City, South Cotabato.

Intensity 5 naman ang naramdaman sa Matanao, Davao del Sur; Maasim at Malapatan; Sarangani; at Lake Sebu, Tampakan, Polomolok at Banga sa South Cotabato.

Intensity 4 naman ang naitala sa Kidapawan City, Cotabato; Davao City; Magsaysay, Davao del Sur; Don Marcelino at Jose Abad Santos, Davao Occidental; Kiamba at Maitum, Sarangani; Norala at Tantangan, South Cotabato; at President Quirino, Lebak, Isulan, Esperanza, Columbio at Kalamansig, Sultan Kudarat.
 
— Ulat nina Maricel Butardo, Charmane Awitan at Chat Ansagay

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.