PatrolPH

Pagsigla ng turismo sa iba't ibang panig ng bansa ramdam na

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2021 07:12 PM

Watch more on iWantTFC

Ramdam na ang pagsigla ng turismo sa iba't ibang panig ng bansa matapos padapain ng COVID-19 pandemic simula noong nakaraan taon.

Kabilang dito ang ilang destinasyon sa Anilao sa Mabini, Batangas, na sikat sa kanilang scuba diving.

Ayon kay Albert Moreno, isa sa mga resort owner sa lugar, may mga nagsimula nang magpa-book ng mga kuwarto, lalo kapag weekend.

"We are very hopefull that things would continue," ani Moreno.

Pero wala pang mga turistang dayuhan dahil hindi pa pinapayagan ang mga turista galing sa labas ng bansa. Mga expat na turista pa lang ang puwede.

Nasa 300 hanggang 400 lokal na turista ang dumarating sa Mabini, malayo sa dating 1,500 kada araw.

"Hindi pa ganoon karami ang pumupunta. Marami naman kami nahihimok na taga-Maynila o taga-ibang bahagi ng Pilipinas upang subukan ang diving," sabi ni Mabini tourism officer Ian Bueno.

Para mas mapasigla ang turismo ng Mabini, inilunsad muli ng Department of Tourism at lokal na pamahalaan ang Anilao Underwater Shootout.

Higit 100 underwater photographer ang magpapagandahan sa mga retrato ng marine life sa karagatan ng Anilao.

S-pass at vaccination card lang ang hinihingi para makapasok sa Anilao, pero kung hindi bakunado, maaari namang magpa-antigen test.

Sa Boracay, inalis na ang RT-PCR test bilang requirement sa mga turista.

Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni Aklan Governor Florencio Miraflores na vaccination certificate na lang ang kailangang ipakita o kaya'y vaccination card na may QR code.

Handa na rin umano ang Boracay sakaling payagan na ang international tourists.

Sa Dapitan City sa Zamboanga del Norte, binuksan na muli ang Rizal Shrine na higit isang taon ding isinara.

Nanunumbalik na rin ang kabuhayan ng mga taga-Dapitan ngayong marami na ulit turista. Kumikita na ang mga souvenir shop at photographer.

Dumarami na rin ang mga domestic at international flight kasabay ng pagdami ng mga pasahero sa iba't ibang airport terminal sa Maynila.

Tumaas nang 60 hanggang 70 porsiyento ang domestic at international flights, ayon sa opisyal na datos.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.