PatrolPH

P3.3 milyong halaga ng hinihinalang party drugs nasabat ng Customs

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2021 03:07 AM

MAYNILA—Nabisto ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport sa lungsod ng Pasay ang mahigit P3.3 milyong halaga ng hinihinalang party drugs na inilagay sa wedding dress na galing Germany. 

Wedding dress ang deklarasyon ng item na dumating Martes at nakapangalan ito sa isang babae na taga lungsod ngTaytay.

Nang suriin ng mga tauhan ng Customs-NAIA ang damit, nakita nila ang mga tableta na naka-hugis bulaklak at magkakaiba ang kulay.

Nasa 1,993 piraso ang mga hinihinalang party drugs na nagkakahalaga ng P3,388,100.

Ayon kay assistant secretary Vincent Maronilla, ang taga-pagsalita ng BOC, controlled delivery ang ginawa ng BOC para matukoy ang recipient ng ilegal na droga.

"First time namin na-encounter na dineclare na wedding dress at itinago sa ganong klaseng bagay. Again may mga x-ray machines po tayo dyan na modern at modern din ang ating technique sa apprehension ng illegal drugs," ani Maronilla.

Arestado ang claimant ng wedding dress na may mga ecstasy at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.

Ayon kay Maronilla, hindi nagkomento ang suspek at minarapat na kausapin ang kaniyang abogado.

Dinala na sa Philippine Drug Enforcement Agency ang mga tableta para sa kumpirmasyong party drugs nga ang mga ito.

MULA SA ARKIBO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.