PatrolPH

'Mahal pala bilihin,' ani Pacquiao matapos mamalengke sa Guadalupe, mamigay ng tip

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2021 03:16 PM | Updated as of Nov 17 2021 03:27 PM

Senator Manny Pacquiao shops at the Guadalupe Market in Makati City on November 17, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Senator Manny Pacquiao shops at the Guadalupe Market in Makati City on November 17, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Namigay ng dagdag P1,000 hanggang P2,000 o umano'y tip si presidential aspirant Manny Pacquiao habang namamalengke sa Guadalupe Public Market sa Makati nitong Miyerkules ng umaga.

Habang namimili, sobra ang ibinabayad ni Pacquiao sa bawat tindera. May extrang P1,000-2,000 pesos bukod sa presyo ng binili.

“P1,440? O sige, 3,000 ‘yan,” tugon ng Senador sa isa sa mga manininda. 
 
Ikinatuwa ito ng mga tindera lalo’t sabi nila matumal ang benta ngayon.

“Masaya dahil nabilhan kami, sa tumal ba naman ngayon e. Ang hirap kaya magbenta ngayon kaya tuwang-tuwa ako na nabilhan kami ng paninda namin,” ani Josephine Galatde, tindera ng isda.

"Bale ilang taon na suki ko siya. Pasasalamat ako kahit papaano nakabili sa akin si sir Pacquiao. Kahit papano sinobrahan niya bayad niya," dagdag pa ni Dante Abalos, tindero rin ng isda.

Bitbit ni Pacquiao ang kanilang shopping list, kasama sa listahan ang manok, isda, baka, at gulay. Aniya, lingguhang market day ng kanilang pamilya ang Miyerkules. 

Imbes na kanilang mga kasambahay ang mamalengke, napagdesisyunan niyang siya ang pumunta para masilip na rin ang presyo ng bilihin.

Hindi naman ito bago sa kanya dahil sanay na siya sa palengke noong kabataan niya, dagdag pa ng senador. 

Ayon sa senador, mas mahal na ang mga bilihin mula noong dati niyang dinayo ang Guadalupe market mga 2 taon na ang nakararaan.

“Mataas na, mataas na, tapos ang sahod natin hindi tumataas. Walang pag-increase ang sahod mula noon. Pero ang pagtaas ng bilihin grabe ang pagtaas kaya hindi makasabay ang tao,“ aniya. 

Aminado ang retiradong boksingero na hindi niya inaasahan na ganito ang presyo ng mga bilihin.

Hiling niya na pababain na ang presyo ng mga basic commodities. 

"Mahal pala. Ang mahal ng mga bilihin ngayon. Mahihirapan ang mga kababayan natin na makabili. Kaya ang goal natin pababain ang presyo ng bilihin lalo na ang basic commodities,” aniya. 

Hindi naman sumagot ang senador nang tanungin ng media kung ano ang plano niya para maibaba ang presyo ng bilihin o mapigilan ang pagtaas nito.

Hindi rin napigilang dumugin si Pacquiao ng mga taga-palengke at namimili lalo na ang mga gustong makipag-selfie. May nakipagretrato rin sa kanya na may kasamang bata.

Hindi ito ininda ng retiradong boksingero sa kabila ng tanong ng media sa isyu ng physical distancing. 

"Siksikan talaga sa palengke. Sanay na ako diyan dahil sanay ako sa palengke," aniya. 

May mga natuwa sa pagbisita ng senador sa palengke kahit hindi niya ito karaniwang ginagawa. 

"Proud kami na napunta siya dito sa place namin para makilala siya ng iba nating kababayan," ani ng mamimiling si Brenda Foncarbas.

Pagkaalis ng palengke, bumisita si Pacquiao sa tanggapan ng isang katabing istasyon ng radyo bago tumulak pa-Bulacan para sa iba pang aktibidad.

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.