Publiko pinayuhang i-double check ang mga pinagbibigyan ng donasyon

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2020 05:49 PM

Tanggapan ng National Bureau of Investigation sa Maynila. ABS-CBN News/File

Nagkawanggawa ang college instructor na si Israel Saguinsin at inanunsiyo sa Facebook na manlilibre siya ng load para sa mga nangangailangan ng rescue sa gitna ng pananalasa ng mga bagyo kamakailan.

Pero naghinala siya nang mapansing magkakapareho ang mga text ng mga humingi sa kaniya ng load, kahit iba ang mga pangalan ng mga ito.

"Parehong-pareho 'yong message kahit pati 'yong emoticon, pareho... noong chineck ko 'yong ibang account, bago lang at kaunti lang ang friends," ani Saguinsin

Nanghinayang si Saguinsin na may nakapanloko pa, lalo't siya rin ay apektado ng baha.

"Nakakalungkot kasi sana 'yong tulong na pinadala, sana napunta talaga sa nangangailangan," aniya.

Pinayuhan ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division ang publiko na tawagan o i-double check muna ang mga pagbibigyan ng tulong. 

"Ine-expect natin na may magka-capitalize diyan, 'yong mga online scammers na naman," ani NBI Cybercrime Divison chief Vic Lorenzo.

Ang ibang scammer daw ay nagkukunwaring miyembro ng organisasyon o kasamahan ng mga celebrity na nangongolekta ng donasyon.

Ayon kay Lorenzo, bukod sa pag-verify, mainam ding humingi ng resibo o certification sa pagdo-donate para rin may audit at garantiya na mapupunta ito sa mga biktima ng kalamidad.

Nagbabala rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council at Caritas Manila laban sa mga pekeng relief operation para humingi ng tulong.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.