Palasyo, DepEd, CHED di sang-ayon sa hiling na nationwide 'academic break'

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2020 06:36 PM | Updated as of Nov 17 2020 08:36 PM

Nagdaos ng protesta ang mga student group nitong Nob. 17, 2020 para manawagan ng nationwide academic break. Arra Perez, ABS-CBN News

Nag-trend sa social media ang panawagan ng mga estudyante para sa "academic break" o "academic ease" o iyong pagtigil ng klase sa harap ng mga nagdaang kalamidad.

Kasunod nito, ilang paaralan ang nagdeklara ng class suspension ngayong linggo.

Pero iginiit ng mga estudyante na gawing nationwide o pambuong bansa ang academic break.

Sa Ateneo de Manila University, inilatag ng ilang estudyante ang academic strike o tigil sa pagpasa ng requirements hangga't hindi natutugunan umano ng pamahalaan ang mga kakulangan nito sa bayan.

Isa ang third-year creative writing student na si Bernardine de Belen sa nagsimula ng petisyon.

Watch more in iWantTFC

"Pagkatapos ng nangyari sa Cagayan, sa Tuguegarao, naramdaman na po namin 'yong urgency na kailangan na naming gumalaw," ani De Belen.

"Hindi kami basta puwedeng gawin pa rin 'yong mga module namin habang maraming ibang nahihirapan," dagdag niya.

Wala namang nakitang dahilan ang Malacañang para magdeklara ng nationwide academic break.

"Hindi po masyadong naapekto[han ito] dahil wala pong face-to-face classes sa lahat ng ating mga eskuwelahan," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Academic ease naman ang nakikitang solusyon ng Department of Education.

Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni Education Undersecretary Tonisito Umali na pahahabain ang unang quarter para pagaanin ang load ng mga estudyante at magpatupad ng flexibility sa mga guro.

Sinabi naman ni Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera na binibigyan ng kalayaan ang mga unibersidad na i-adjust ang kanilang academic calendar.

Sa isang pahayag, sinabi rin ni Education Secretary Leonor Briones na tutulungan ng DepEd ang mga guro at tauhan nitong naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Inihahanda rin ang pondo para sa replacement o reproduction ng mga nasirang module.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.