Nag-alok ang lokal na pamahalaan ng Calumpit, Bulacan ng libreng hatid sa bangka dahil lubog pa rin sa baha ang maraming lugar sa bayan. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
Tanging bangka lang ang paraan para mapuntahan ngayon ang ilang komunidad sa Calumpit, Bulacan, na nananatiling lubog sa baha kasunod ng pag-apaw ng mga ilog doon.
Dahil tuloy pa rin sa pagpasok sa trabaho ang mga taga-Calumpit, naging hanapbuhay na rin ang pagiging bangkero.
Maging ang lokal na pamahalaan ay nag-alok ng libreng pahatid sa bangka mula Calizon dike papuntang Collegio De Calumpit.
Kasama sa mga dinadaanang barangay ng pahatid na bangka ang Sta. Lucia, Gugo, San Jose, Meyto, Panducot, at Bulusan.
Nakapuwesto ang libreng pahatid sa lugar na hindi naseserbisyuhan ng mga namamasadang bangkero.
Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang serbisyo ng 4 na nagsasalitan sa bangka.
Pinupuno muna ang bangka ng mga pare-pareho ang destinasyon o kaya'y nasa daan ang bababaan para hindi matagal ang biyahe. Pinasusuot din ng life jacket ang mga sumasakay.
Ayon sa Calumpit Rescue, patuloy na bumababa ang antas ng tubig sa mga binahang lugar sa bayan pero mabagal ito.
Ayon sa lokal na pamahalaan, tuloy ang libreng pahatid habang hindi tuluyang humuhupa ang baha.
-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regional news, regions, Calumpit, Bulacan, transportasyon, bangka, baha, Teleradyo, Headline Pilipinas