PatrolPH

Ilang magsasaka sa Cagayan pagtitiisang isaing ang palay na basa, may amoy

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2020 07:30 PM | Updated as of Nov 19 2020 01:48 AM

Ilang magsasaka sa Cagayan pagtitiisang isaing ang palay na basa, may amoy 1
Ngayong nabasa at nabulok ang kanilang pananim, pilit na lang itong kakainin ng ilang magsasaka sa Cagayan.

MAYNILA - Kalimitang eksena sa Pilipinas ang mga magsasaka sa tabing-kalsada na nakayuko sa mga palay na tinanim nila. 

Pero sa kada hampas ng magsasakang si Larry Datol, na taga-Baggao, Cagayan sa palay niya sa sahig, ay may tumatalsik na tubig. 

Hinango na lang kasi niya ang tanim niya galing sa ilalim ng baha. 

"Nadismaya ako. Siyempre malaki na'ng gastos. 'Yung inaasahan namin na anihan... ayun nawala lahat. Magtanim kami sana iba na naman sa mga bahay. Susubukan namin na 'pag kaya, kakainin. Pag 'di kaya, 'pakain namin sa baboy," ani Datol. 

Pilit ding ginagapas ng ilang babaeng magsasaka ang palay kahit alam nilang huli na ang lahat. Tantiya nila, na baka P2 kada kilo na lang ang halaga ng maibebentang palay na nababad sa tubig. 

Watch more on iWantTFC

Hindi na ito maibebenta, kaya pilit na lang nila itong kakainin. 

"Medyo masangsang na 'yung amoy neto lalo't hindi nabilad ng araw. Nangingitim na 'yung butil niya... Kung hindi namin kakainin wala na kaming makain," ayon sa magsasakang si Rosalie Capala. 

Ayon sa alkalde ng Baggao na si Joan Dunuan, hanggang ngayon ay wala pang dumarating na tulong o pagkain mula sa Department of Social Welfare and Development. 

Paliwanag ng DSWD Region 2, hindi pa nila mararating ang naturang bayan. 

Sa ngayon, may mga pribadong grupo na nakapamahagi na ng relief goods. 

Nangako ang DSWD na magdadala sila ng tulong kapag kaya na ng kanilang sasakyan. 

ISABELA

Pinadapa rin ng baha ang mga pananim na mais sa Isabela. 

Isa naman si Kelvin Baccay sa 4,000 corn farmers na nasalanta ng baha sa Isabela

"Kapag ka inabot pong tubig ang maisan po, pag natakpan na po ng tubig sa may labasan ng bunga niya, wala na po, wala na. Totally washed out na po lahat," ani Baccay. 

Ayon kay Isabela Governor Rodito Albano, tutulong ang probinsiya sa mga magsasaka para muling makabangon. 

"Siyempre magbibigay kami ng seedlings, manggagaling 'yan sa Department of Agriculture. Sa province naman magbibigay kami ng ayuda, siguro hihingi kami sa DOLE, dadagdagan ko na lang mga livelihood assistance, parang work for pay," ani Albano. 

-- Ulat nina Chiara Zambrano at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.