Ika-40 araw ng pagkamatay ni Baby River ginunita sa misa

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2020 08:03 PM | Updated as of Nov 17 2020 10:26 PM

Ginunita ng pamilya ni Baby River Emmanuel Nasino ang ika-40 na araw ng kaniyang pagkamatay. Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

MAYNILA - Dinaluhan ng pamilya at ng ilang rights groups ang misa para sa ika-40 araw ng pagkamatay ni Baby River Nasino, anak ng nakakulong na aktibisang si Reina Mae Nasino, sa Sto. Niño de Tondo sa Maynila. 

Dumalo sa misang pinangunahan ni Bishop Broderick Pabillo ang pamilya ni Baby River at mga grupong Kapatid at Karapatan. 

Sa homily ibinahagi ni Bishop Pabillo ang kaniyang saloobin. 

Hindi raw patas ang batas dahil itinuturing na may kasalanan ang mga taong walang kasalanan. 

Tinuligsa rin niya ang nangyayari umanong red-tagging sa mga taong naglalabas ng kanilang damdamin ukol sa mga nangyayari sa bayan at sa pamahalaan. Ikinumpara niya ito sa Gospel ngayong araw. 

Taliwas daw ang mga ito sa ginawa ni Hesus na nagpatawad at nagligtas ng mga nagkasala. 

Nanawagan si Pabillo na patuloy na ipagdasal si Reina Mae, na hindi nasilayan ang anak bago ito pumanaw. Ayon sa bishop, sana ay lumabas ang katotohanan at katarungan. 

Hindi raw kasalanan na manindigan sa sariling pinaniniwalaang ideolohiya at dapat igalang pati ang pagpapahayag nito. 

Pagkatapos ng misa ay nagkaroon ng candle-lighting sa labas ng simbahan. 

Kinokondena ng grupo ang pagpapaupo kay Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas, na siyang Metro Manila police director nang maganap ang pagsalakay sa bahay at opisina ng Bayan Manila organizers noong nakaraang taon. Isa si Reina Mae sa mga naaresto na noon pala ay buntis na. 

Magsasampa sila ng kaso laban sa mga pulis at jail officers na dahilan umano sa gulo noong libing ni Baby River at ang hindi pagtatanggal ng posas ni Reina Mae para man lang mahawakan ang kaniyang anak sa huling pagkakataon.

Sa candle-lighting sa labas ng simbahan, nagkagulo nang pigilan ang aktibidad. 

Watch more in iWantTFC   Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Ayon sa Manila Police District Station 2, walang permiso ang candle lighting activity kaya dapat umano silang magligpit sa loob ng sampung minuto. Maya-maya ay nagkahilahan at nagkasigawan na ang mga pulis at supporters ng pamilya Nasino.

Ayon kay Katherine Panguban, legal counsel ng NUPL, libre ang sino mang gusto maghayag ng saloobin sa isang public place. 

“Ang lakas ng loob na gawin yan sa harapan ng simbahan, na gawin 'yan sa harapan ng plaza. Hinahanapan nila kami ng permit pero alam naman natin na hindi iyon kailangan because this is a public place," aniya.

Giit ni Police Lt. Col. Magno Gallora ng MPD-Station 2, tila maliit na demonstrasyon ang mangyayari. 

“Candle lighting lang ba yun? May tarpaulin sila, may sound system,” aniya. Dagdag niya, dapat obserbahan ang social distancing dahil nagkakadikit na raw kasi ang mga tao kaya panay ang paalala nila gamit ang megaphone na huwag magdikit-dikit.

Inilipat ang candle lighting at flower offering sa gilid ng pinto ng simbahan. Matapos sindihan ang 40 kandila at nag-alay ng bulaklak, nag-alay din ng kanta ang grupo. 

Labis ang pasasalamat ng lola ni Baby River na si Marites Asis dahil sa suporta na ibinibigay sa kanila, lalo na raw mula kay Bishop Pabillo. Hindi nga lang daw nya ginusto na magkagulo sa gitna nito. 

“Ayoko kasi umabot sa ganito na ang pagdadalamhati ng buong pamilya namin dinala dito, kasi gusto lang namin magpasalamat at si Bishop ang nagmisa. Ayoko rin talaga ng gulo," ani Asis.

Nakiusap din siya na sundin at intindihin na lang ang mga pulis para wala ng gulo. 

Ayon naman kay Bishop Pabillo, naghahanap lang ng dahilan ang mga pulis para paalisin ang grupo. 

“Kung magsama-sama ba ang tao para mag-candle lighting kailangan pa ba ng permiso? Hindi naman rally 'yan at hindi naman nanggugulo. Naghahanap lang ng dahilan para mapabitaw.”

Matapos ang lahat ay payapa namang umalis ang grupo at mga pulis. Dasal na lang ng lahat ay makamit na ni Reina Mae ang hustisya para sa kanyang anak at sa kanyang paglaya.

-- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News