Baha sa ilang bayan sa Cagayan nagsimula nang humupa

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2020 12:44 PM

Nakalinya para sa ayuda ang ilang residente ng Linao East sa Tuguegarao, Cagayan, Nobyembre 16, 2020. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Nagsimula nang humupa ang baha sa ilang parte ng Cagayan matapos itong umabot sa bubungan ng mga kabahayan sa probinsiya noong nakaraang linggo, ayon sa ilang mga alkalde. 

Ayon kay Alcala Mayor Cristina Antonio, nakatutok sila ngayon sa clearing operations matapos bahain ng kasing-taas ng tatlong palapag na lebel ng tubig ang kanilang lugar. 

Ayon kay Antonio, "mabilis" ang naging pag-angat ng tubig na naging dahilan ng pagkasira ng produktong agrikultura sa lugar. 

"Nasira ang crops, umabot sa aming taya nang P42 million, iba pa po sa livestock. Walang belongings ang natira sa mga tao, inanod ng baha. Walang damit, blankets. Mabilis ang pang-angat po ng tubig," ani Alcala sa panayam Martes. 

Watch more in iWantTFC

Nakatutok na ngayon sa clearing operations ang LGU lalo na sa mga loobang barangay dahil makakapal na putik at mga debris ang iniwan ng baha sa bayan. Ngayon, maaari nang daanan ang national highway. 

Apela ngayon ng mga residente ang pagkain, tubig, hygeine kits, face mask at alcohol. 

Samantala, may ilang parte ng Lal-lo Cagayan na humupa na ang baha pero may mga bahay pa rin na lubog sa tubig, ayon sa alkaldeng si Oliver Pascual. 

Pero ayon kay Pascual, hindi na ito kasingdami kumpara noong mga unang araw. 

Nahatiran na rin aniya ng tulong ang lahat ng mga residente. 

Magugunitang nakaranas nitong mga nagdaang araw ng matinding pagbaha ang Cagayan, maging ang probinsiya ng Isabela, dahil sa tubig na galing sa mga karatig-lalawigan, pagpapakawala ng Magat Dam, heavy siltation ng Cagayan River at saturation ng lupa matapos ang mga nakaraang bagyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.