Ayuda hatid sa ilang binahang pamilya sa Alcala, Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2020 08:00 PM

Narating ng ABS-CBN ang isang barangay sa Alcala, Cagayan para mabigyan ng ayuda ang mga pamilya doon na naapektuhan ng matinding pagbaha kamakailan.

Ang mga gamit na dapat ay nasa loob ng bahay — kagaya ng mga upuan, aparador, tangke ng gas at refrigerator — ngayon nasa bubong na.

Humupa man kasi ang baha, makapal na putik naman ang iniwan nito sa Barangay Pagbangkeruan sa Alcala, Cagayan.

Sa bubong na nagpatuyo ang residenteng si Maryanne Udarbe ng palay na sinikap nilang maiahon sa baha sa pag-asang mapakinabangan ito.

"Baka sakaling puwede pang kainin para matustusan ang pangkain araw-araw," ani Maryanne.

Watch more in iWantTFC

Ayon sa mister ni Maryanne na si Bong, kagawad ng barangay, sanay sa baha ang mga taga-Pagbangkeruan pero ngayon lang nila naranasan ang matinding baha at lawak ng putik.

"Dati 'pag binabaha kami mabilis bumaba, ngayon lang 'yong matagal talaga kaya maraming nasira," ani Bong.

Pangamba ngayon ng pamilya Udarbe ang Ilog Pared na unti-unti nang nilalamon ang kanilang barangay.

Nitong Bagyong Ulysses, 4 na metro ng tabing-ilog ang kinain ng ragasa ng tubig.

"Panawagan namin na mapalagyan ng riprap dito para hindi na mabawasan... 'pag kinain kami dito, saan kami lilipat?" ani Bong.

Naabot ng ABS-CBN ang Barangay Pagbangkeruan sa Alcala dala ang mga bigas, de lata, at tubig inumin na pangunahin nilang kailangan.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.