Quake victims sa Magsaysay nagtitinda ng mga pagkain para kumita

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 02:30 PM

Nagsisikap na magtinda ng mga pagkain ang ilang biktima ng lindol sa Magsaysay, Davao del Sur para may mapagkakitaan. Claire Cornelio, ABS-CBN News

MAGSAYSAY, Davao del Sur — Nagmistulang maliit na palengke ang pasukan ng evacuation center ng mga taga-Barangay Tagaytay sa bayan na ito.

Ilan kasi sa mga "bakwit" o evacuee ay nagsusumikap na magtinda ng mga pagkain bilang hanapbuhay.

Isa sa kanila si Janet Niog, na nagbebenta ng mga hinog na mangga, hotcake, hotdog, nilagang itlog na may harina, at mga prutas na nakalagay sa cellophane.

"Hindi natin maaasahan ang relief goods... gumawa na lang ako ng stick at binenta ko at ang kita ay ginamit ko pambili ng mga paninda ko," kuwetno ni Janet.

Isda, mga gulay at softdrinks naman ang tinda ni Emilyn Salinzo.

Pero ayon kay Cesario Banan Sr., chairman ng Barangay Tagaytay, mahigpit nilang pinagbabawal ang pagbenta ng mga evacuee ng mga inuming nakalalasing, at mga nakukuha sa relief goods gaya ng mga de-lata, noodles at bigas.

Inilikas ang ilang residente ng Magsaysay, Davao del Sur kasunod ng serye ng mga lindol na tumama sa Mindanao noong nakaraang buwan. -- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.