P1.5-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 3 timbog sa Navotas drug bust

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 01:01 PM

Tinatayang nasa P1.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa 3 suspek sa buy-bust operation sa Navotas noong Linggo. Retrato mula sa Northern Police District Public Information Office

Nasa P1.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Navotas City noong madaling araw ng Linggo, kung saan naaresto ang 3 suspek.

Ikinasa ang operasyon bandang alas-3:30 ng madaling araw sa R. Domingo Street, Barangay Tangos North, ayon sa ulat ng Northern Police District (NPD).

Sa ulat, kinilala ni NPD director Brig. Gen. Ronald Ylagan ang mga suspek bilang sina Warly Romay 36; Roxanne Jimenez, 36; at Edmund Quijano, 48.

Nakatakas naman ang isa pang suspek na si Romeo Limbaro, 32, ayon sa pulisya.

Ilan sa mga narekober sa mga suspek ang 79 sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang plastic ice bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, improvised glass tube tooter, maliit na weighing scale, at ang perang ginamit sa buy-bust transaction.

Nasa 225 gramo ang bigat ng lahat ng nakumpiskang shabu na nagkakahalagang P1,539,090, ayon sa ulat ng pulisya.

Nakadetene sa Navotas City Police Custodial Facility ang mga nahuling suspek, na sasailalim sa inquest proceedings. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.