Landfill na balak itayo sa Alaminos, Laguna, tinutulan ng mga residente

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 10:44 PM

Nagprotesta ang nasa mahigit 1,000 residente ng bayan ng Alaminos sa Laguna Linggo ng umaga.

Tinutulan nila ang planong pagpapatayo ng sanitary landfill ng lokal na pamahalaan, katuwang ng Berjaya Corporation Berhad mula Malaysia.

“Right now they are on presentation stage pa lang, pero ayaw namin dito kasi ito ay basura ng buong Maynila at Calabarzon na itatambak sa maliit at magandang bayan ng Alaminos Laguna," paliwanag ni Mark Louie Aquino ng grupong Ban Landfill

Ayon sa mga residente, malaki ang magiging epekto nito sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

"Marami pong pananim na massira, mga chemicals na makukuha sa basura, methane sisislid sa ilalim ng lupa, di naman ngayon agad mararanasan, syempre, tapos galing pa ang basura sa NCR," paliwanag ng residenteng si Fe Manalo Santos.

"Dati walang langaw sa amin, ngayon marami na, tapos tatapunan pa nila ng bulok, eh kung kami ay magkasakit," dagdag pa ni Abanya Sanchez Demetrio.

Ayon kay Mayor Eladio Magampon, ang landfill ang nakikitang pangmatagalang solusyon sa lumalaking problema ng basura sa bayan.

Mayroon na lamang rin silang isa't kalahating taon para magdala ng basura sa San Pedro, Laguna.

"They are going to place there, almost 200 hectares. We’ve seen that in Malaysia, they were operating 300 hectares, what I saw is a beautiful sanitary level 4," paliwanag ni Magampo.

Dagdag pa niya, sa lugar na sakop ng mga barangay Sta. Rosa, San Miguel at San Gregorio ang paglalagyan ng landfill.

Kaya nangangamba ang mga kalapit barangay, dahil maari pa rin silang maapektuhan ng itatayong Landfill.

“Air Pollution, kasi tantiya namin nasa 300 na truck ng basura ang araw-araw na dadaan sa Alaminos yung katas nito, hindi naman ganoong ka moderno ang mga truck ng basura," ani Aquino.

Dagdag pa ng grupo, bukod sa polusyon ay maaring masira din ang kalikasan.

“Ang Mt. Patagin, we think covered by project, kami bilang activist-environmentalist, nagkakaron ito ng leak at tumatagas maaring makaapekto sa water quality natin," dagdag pa niya.

Paglilinaw naman ni Magampon, hindi kasama ang Mt. Patagin sa ide-develop para sa landfill, bagkus gagawin pa nila itong eco park.

“Sana magiisip sila, all over the world problema ang basura, ako ang nagiisip ng solusyon, kung meron kayong mas magandang panukala, lumantad kayo at makipagusap kayo sa lingkod, open ang office wala pa ako natatanggap baka sakali kayo," aniya.

Nakatakdang magpulong sa Nobyembre 20 ang lokal na pamahalaan, religious sectors at piling mga residente upang mapakinggan din ang presentasyon ng kumpanya tungkol sa planong sanitary landfill.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.