Driver na nangaladkad ng enforcer posibleng matanggalan ng lisensiya: LTO chief

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2019 12:58 PM | Updated as of Nov 17 2019 07:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pagpapaliwanagin ng Land Transportation Office (LTO) ang motoristang nangaladkad ng isang naninitang traffic enforcer sa Maynila, ayon sa pinuno ng ahensiya.

Posibleng matanggalan din ng lisensiya ang driver na si Orlando Ricardo Jr., residente ng Quezon City, kapag napatunayang gumawa ng paglabag, ayon kay LTO chief Edgar Galvante.

"Given the identity, we will send him a show cause order and proceed from there. The infraction can be basis for his license to be revoked," ani Galvante.

Nasugatan ang traffic enforcer na si Adrian Lim, tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau, nang kaladkarin ng sinisita niyang SUV driver noong Sabado sa may Santa Cruz district.

Sinita umano ni Lim si Ricardo dahil sa pagbalewala sa lane marking.

Balak namang kasuhan ni Manila Mayor Isko Moreno si Ricardo.

"May criminal mind eh, may criminal intent eh. Nakita ko winasiwas niya," ani Moreno nitong madaling araw ng Linggo.

Hinimok din ni Moreno ang LTO na tanggalan ng lisensiya ang motorista. -- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.