PatrolPH

SOCO: Habal-habal driver timbog sa serye ng panghahalay sa Mandaue, Cebu

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2018 03:30 PM

 

Mula Enero hanggang Oktubre 2017, sunod-sunod na kaso ng panghahalay ang naitala ng himpilan ng pulisya sa Mandaue, Cebu.

Naitala ang unang kaso noong ikalawang linggo ng Enero matapos magsumbong sa pulis si alyas "Becky."

“Iyung kuwento niya, galing siya ng trabaho. Sumakay siya ng habal-habal tapos dinala siya doon sa madilim na lugar sa Canduman...Hinihipo siya [sa dibdib] at first tapos hanggang sa dumating na [sa maselang parte],” pagsasalaysay ni PO1 Framel Teves Lambating ng Mandaue police.

Nagmakaawa pa umano ang biktima pero hindi nakinig ang salarin at itinuloy ang planong panghahalay.

Inakala ng mga awtoridad na isolated incident ang naganap, pero nagpatuloy ang pambibiktima kaya napaisip silang baka iisang tao lamang ang gumagawa nito. 

“Matindi siya. Pagdating ng February… naging weekly, tapos doon na naging alarming… Mula isang barangay naging dalawa, naging tatlo, tapos lumipat pa siya ng isang area,” dagdag ni Lambating.

Napansin naman ng mga awtoridad na kalkulado ang kilos ng suspek.

“Iyung crime clocking na ‘yun ginawa natin, ang una ang nakikita natin sa oras is between 1 a.m. to 3:30 a.m. dahil darating sa reporting ng office [ang victim] is 4 a.m. to 5:30 to 6 a.m. Tapos 'yung araw, nakikita ko talaga mangyayari Sabado o Biyernes, Sabado at tsaka kinaumagahan ng Linggo,” obserbasyon ni retired chief inspector Raymundo Enriquez na noo'y humawak sa kaso.

Dahil nabahala sa dami ng mga nagre-report, nagpursige ang mga pulis para hanapin ang suspek.

"It's the worst thing that [could] happen to a woman. Sa babae, worst thing 'yung trauma. 'Pag nai-interview mo sila kung ano 'yung nangyari sa kanila, kung puwede lang mismo ikaw na 'yung 'sana nando'n [sa sitwasyon] ako para may nagawa ako,' gano'n," ayon kay Lambating.

Noong Oktubre 26, 2017, nadakip ng mga awtoridad ang naturang habal-habal driver na kinilalang si Reil Ceniza, 27.

"Hindi pa rin siya umaamin. Dahil wala raw siyang driver's license saka walang rehistro 'yung sasakyan niya," ani Enriquez.

Pero sa patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad, tumugma ang mga nakuhang gamit sa suspek sa mga deskripsyon ng mga biktima.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology facility sa Mandaue. 

Mapapanood ang buong kuwento sa ikatlong episode ng 13th year special presentation ng "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, Nobyembre 17, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.