Cargo truck sumalpok sa center island sa Pasig

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2018 11:19 AM

MAYNILA – Isang 22-wheeler truck na may kargang buhangin ang sumalpok sa center island sa Barangay Bagong Ilog sa Pasig City, Sabado ng madaling araw, na nagdulot ng pagsikip ng daloy ng trapiko. 

Nagtila weekday rush hour ang naranasan ng maraming motoristang dumaan sa southbound lane ng C5 service road sa nasabing barangay dahil sa bigat ng daloy ng trapiko bunsod ng aksidente. 

Ayon kay Arturo Dela Cruz ng Pasig Traffic Sector 2, natagalan ang pag-alis sa truck dahil hinintay pa nila ang inarkilang tractor para mahakot ang buhanging karga nito na nagkalat sa kalsada.

Dagdag ni Dela Cruz, accident-prone ang lugar dahil palusong ang kalsada.

Inabisuhan ng Pasig Traffic Sector ang mga motorista na gumamit muna ng mga alternatibong ruta.

Para sa mga galing sa eastern part ng Metro Manila gaya ng Mandaluyong at San Juan, dumaan sa Greenmeadows at dumeretso na sa C5 sa halip na dumaan sa Bagong Ilog.

Sa ngayon, tanging light vehicles ang pinapayagang dumaan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.