Tulong na gusto ng mga taga-Marawi, nais alamin

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 12:02 AM

Magkahiwalay na bumisita sina Vice President Leni Robredo, at Davao City Mayor Sara Duterte kasama si Taguig Mayor Lani Cayetano sa Marawi City nitong Huwebes, Nobyembre 16. 

Inihatid ni Robredo ang nakalap na tulong mula sa iba-ibang donor para sa lungsod. 

Pinasalamatan din niya ang mga sundalong nagsasakripisyo, mapanatili lang ang seguridad sa Marawi. 

Nagtungo rin siya sa main battle area para makita nang malapitan ang lawak ng pinsalang dulot ng limang buwang bakbakan.

"Kung ganito 'yong nararamdaman ko, hindi naman ako taga-rito, ano pa kaya sa mga taga-rito talaga? Kaya tingin ko, mahalaga na kabahagi talaga sila sa pagpaplano ng rehabilitation," ani Robredo.

Giit ni Robredo, ang kabuhayan ng mga taga-Marawi ang isa sa mga dapat ayusin.

"Iniisip namin na mag-launch ng cash-for-work [program]. Pero makikipag-coordinate kami sa DSWD para walang doble," ani Robredo.

Ganito rin ang hiling ng mga nakausap niyang residente ng Barangay Datu Saber.

Naghatid din ng gamot ang bise presidente para sa Amai Pakpak Medical Center at school supplies sa Mindanao State University.

Nakipagpulong din siya sa lokal na pamahalaan at Task Force Bangon Marawi.

Ilang oras lang ang pagitan ng pagbisita ni Robredo at nina Duterte at Cayetano na pumasok din sa main battle area.

Nag-alay sila ng dasal sa St. Mary's Cathedral para sa mga sundalong nakipaglaban at namatay sa Marawi.

Sinalubong din sila ng ilang taga-Basak Malutlut.

Inilatag din nila sa lokal na pamahalaan ang mga tulong na balak ibigay sa Marawi. 

"From Davao City ang ino-offer namin sa kanila is technical assistance sa planning, sa budgeting and sa social services. And from Taguig, ang in-offer nila is skills training and EECD [early childhood care] development," ani Duterte.

"Gusto nating maging culture-sensitive din tayo so we will listen to the locals. Aalamin natin kung ano'ng gusto nila, "ani Cayetano.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.