'Sana bigyan ako ng discount': Hirit ni Isabel Lopez sa LTO

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 12:39 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakiusap ang aktres at beauty queen na si Maria Isabel Lopez na bigyan siya ng 'senior citizen discount' kaugnay ng parusang ipapataw sa kaniya sa paggamit sa ASEAN lane.

Nitong Huwebes, halos isang oras nag-usap si Lopez at ang pinuno ng Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Service na si Francis Almora.

Sinampahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng reklamo si Lopez matapos ipagmalaki sa Facebook ang pagdaan sa ASEAN lane sa EDSA kahit ipinagbabawal iyon. 

"I'm willing to face the consequence of my action kung may penalty. 'Yon nga lang, sana lang matimbang nila nang maigi 'yong buong pangyayari," ani Lopez.

"Sana lang kung ano 'yong penalty na ipapataw sa'kin, bigyan niyo naman ako ng konting senior citizen discount," hirit ni Lopez.

Natuto na umano si Lopez sa insidente at nakiusap na huwag nang pagalitan ang mga tauhan ng MMDA na pinahintulutan siyang pumasok sa ASEAN lane.

"Sana huwag matanggalan ng trabaho 'yong MMDA officers ... Sa akin naman, kabaligtaran. When you become controversial, you'll get more work," ani Lopez. 

Inaasahang magpapasa ng position paper si Lopez.

Sa loob ng limang araw, maglalabas ng desisyon ang LTO kung may multa, sususpendihin o kakanselahin ang lisensiya ni Lopez.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.