P40,000 tinangay ng 'illegal recruiter' sa 3 nais mag-seaman

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 12:58 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang lalaking nagpanggap na tauhan ng isang recruitment agency.

Ito'y matapos siya umanong makakuha ng pera at pangakuan ng trabaho bilang seaman ang ilang aplikante.

Nakuhanan pa ng CCTV sa isang dormitoryo sa Sta. Mesa, Maynila ang suspek na si Alfred Sarmiento.

Nagsasagawa ng orientation si Sarmiento na nagpakilalang seaman at recruitment officer ng isang agency.

Namigay pa siya ng flyers at leaflet sabay nangakong tatanggap ng $1,500 ang makukuhang seaman.

Isa sa mga kumagat sa alok ni Sarmiento si John Lora na dating overseas Filipino worker sa Saudi Arabia at isang taon nang walang trabaho.

"Monthly suweldo ko, parang magiging P80,000," ani Lora.

Naningil si Sarmiento ng P30,000 na training fee na may kalakip pang resibo.

Nagpakilala rin si Sarmiento na taga-Rickmers Recruitment Agency, na ayon sa pulisya, ay isang lehitimong ahensiya.

Umabot sa P40,000 ang nakuhang training fee mula sa tatlong aplikante.

Pero hindi na nagpakita sa kanila si Sarmiento.

Sinubukang kuhanin ang panig ng pamunuan ng ahensiya kung saan nagpakilalang nagtatrabaho si Sarmiento.

Pero sa labas pa lang ng gusali, humarang na agad ang guwardiya sa News team.

Ayon naman sa isa nilang staff, hindi konektado sa kanila si Sarmiento.

May payo naman ang pulisya para hindi maloko ng pekeng recruiter.

"Ang recruitment agency ay hindi 'yan magre-recruit sa labas, lahat 'yan sa opisina mismo," ani Police Officer 1 Danilo Kabigting ng Sampaloc police na nag-iimbestiga sa kaso.
    
Sasampahan ng reklamong estafa ang illegal recruiter na si Sarmiento na pinaghahanap pa rin.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.