P1 milyon: pabuya sa kaso ng pinatay na magkasintahan sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 08:11 PM

Pumalo na sa P1 milyon ang pabuya sa sino mang makapagtuturo sa mga pangunahing suspek sa pagpaslang sa magkasintahang sina James Carl Guzman at Glory Mae Carbonell sa Bataan.

Bukod sa P500,000 naunang inilaan ni Governor Albert Garcia, magbibigay na rin si Mayor Francis Garcia ng karagdagang P500,000.

Sa ngayon, isinasailalim sa malalim na imbestigasyon ang isang mangingisdang itinuturing na "person of interest" sa kaso ng magkasintahan.

Kinilala itong si Reynaldo Nisay Jr. ng Barangay Tortugas Balanga City, na naaresto naman ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kasong may kaugnay sa droga.

Matapos maaresto ang suspek, dalawang biktima ng panggagahasa ang lumutang sa pulisya at lantaran itong itinuro na gumahasa sa kanila sa loob mismo ng Wetland Park ilang taon na ang nakalilipas.

Ang Wetland Park ang siya ring lugar na pinagpasyalan ng magkasintahan bago natagpuang patay ang mga ito sa dalawang magkaibang na lugar. 

Inamin umano ng suspek na responsable siya sa panggagahasa sa mga lumutang na biktima pero itinangging may kinalaman sa pagpatay kina Carbonell at Guzman.

Ayaw pang magbigay ni Supt. Donato Bait ng konklusyon sa kaso upang hindi madiskaril ang kanilang inilalatag na follow-up operations.

Sinampahan naman ang suspek ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act habang pinagtitibay pa ang kaugnayan nito sa pagpatay sa magkasintahan

--Ulat ni Rod Izon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.