Kalahating milyong halaga ng gadgets, dinukwang ng 'basag-kotse'

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 08:36 PM

Isang lalaki ang nanakawan ng tinatayang P500,000 halaga ng mga gadget matapos mabiktima ng basag-kotse sa Makati City nitong Huwebes.

Habang nakahinto dahil sa mabigat na trapiko sa JP Rizal, isang lalaking naka-sombrero umano ang bumasag sa salamin ng kotse ni alyas 'Ricky'.

Kinuha ng lalaki ang isang paperbag na nasa loob ng kotse at naglalaman ng mga gadgets.

"May mga iPhone, iPad Pro at laptop, Macbook....Siguro more than half a million...nagulat ako pagkakita ko ng dalawang kamay, hinahablot ang gamit ko sa likod," kuwento ni Ricky.

Mabilis umanong tumakas ang lalaki matapos ang krimen.

Walang CCTV sa lugar, pero kumakalap na ng impormasyon ang mga pulis.

Wala ring mga barangay tanod noon na nagbabantay sa mga sasakyan.

Pero ayon kay Paul Leonardo Magpantay, chairman ng Barangay Cembo, araw-araw at gabi-gabi namang may nag-iikot sa lugar.

"Ang patrol namin diyan ay twice, two shifts ng eight hours...It might be that during that time, tapos na o papunta pa lang ang patrol," ani Magpantay. 

Balak ngayon ng barangay na mag-install na ng mga CCTV sa JP Rizal, bukod pa sa magdagdag ng seguridad.

"I don't want to blame the residents and motorists because I myself have lapses there. Kakulangan siguro ng security," dagdag ng chairman.

Tips iwas 'basag-kotse'

Narito ang ilang paalala upang maiwasang mabiktima ng basag-kotse gang:

1. Magpakabit ng alarm

2. Lagyan ng tint o security film ang mga bintana ng sasakyan

3. Huwag mag-iwan ng mga gamit sa sasakyan

4. Pumarada sa mga lugar na mayroong security guard o bantay

Para naman kay Ricky, sana raw ay magsilbing aral sa lahat ang kaniyang karanasan.

"Siguro when you're driving, be mindful of your surroundings. If you're putting valuable items inside your car, siguro it's better you put it on the floor para mahirapan silang kuhanin," saad ni Ricky.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.