3 sinasabing miyembro ng Abu Sayyaf, arestado sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa Quezon City ang tatlong itinuturong miyembro ng Abu Sayyaf Group na nagbalak umanong manggulo sa nakalipas na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
    
Inanunsiyo ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na tatlong miyembro ng Abu Sayyaf ang inaresto noong Nobyembre 10.

Sinasabing balak ng grupo na maghasik ng terorismo para magambala ang mga pagpupulong noong ASEAN Summit.

Nag-surveillance umano ang mga suspek na sina Abdulgaffar Jikiri, Alim Sabtalin, at Sadam Jhofar para sa posibleng pag-atake sa Kamaynilaan.

Napag-alamang miyembro sila ng Abu Sayyaf sa Basilan at konektado sa Maute na umatake sa Marawi City.

Magkakasunod na nahuli ng Quezon City Police District ang tatlo matapos makatanggap ng tip ang PNP mula sa mga concerned citizen.

Nabawi sa kanila ang tatlong baril, mga bala, rifle grenade, at iba’t ibang cellphone. 

Dahil naman sa pagkakaaresto ng tatlo, mas hihigpitan ng National Capital Region Police Office ang pagbabantay sa Kamaynilaan lalo na sa mga matataong lugar ngayong papalapit ang Kapaskuhan.

Kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives ang tatlo.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.