Opisyal ng Bureau of Customs, patay sa ambush sa Maynila

Hajji Kaamiño at Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2016 10:39 PM | Updated as of Nov 22 2016 08:46 AM

(UPDATED) Patay ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) habang sugatan ang driver nito makaraang tambangan at pagbabarilin ng di pa nakikilalang salarin sa España Boulevard corner Kundiman, Sampaloc, Maynila Huwebes ng gabi.

Namatay sa ospital ang biktimang si Arturo Lachica, 57 anyos, deputy commissioner for internal administration ng BOC.

Sa inisyal na imbestigasyon, mag-aalas 7 ng gabi nang tambangan at pagbabarilin si Lachica sa loob ng kanyang sasakyan ng mga salaring nakasay sa motorsiklo. 

Nakatigil sa traffic light sa panulukan ng España Boulevard at Kundiman Street sa Sampaloc, Maynila ang Toyota Altis ni Lachica nang umatake ang mga salarin.

Naisugod sa ospital si Lachica pero binawian din siya ng buhay.

Nasugatan naman sa pananambang ang kanyang driver na si Romulo Delima at bodyguard na kinilala sa alias na "Ramon".

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagtakas ng mga salarin na parehong nakatakip ang mukha at nakasuot ng helmet.

Ayon sa bodyguard ni Lachica, wala siyang alam na kagalit nito dahil tahimik lang daw ito sa opisina.

Patuloy pang iniimbestigahan kung sino ang mga salarin at ano ang motibo sa pamamaril.

July 2014 nang hinirang na Customs deputy commissioner si Lachica. Kabilang sa mga posisyon na hinawakan niya ay ang Bids and Awards Committee ng BOC. - DZMM