Motibo sa pagdukot sa lalaki sa CDO, sinisiyasat pa rin

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2016 12:49 PM

MANILA – Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad hinggil sa pagdukot ng limang pulis sa isang lalaki sa Cagayan de Oro City noong nakaraang buwan.

Ayon kay Atty. Hans Barbaso, acting assistant regional director ng National Bureau of Investigation Region X (Northern Mindanao), hindi pa natatapos ang kanilang pagsisiyasat sa kaso lalo na’t hindi pa rin nakikita ang biktimang nakilalang si Enrique Fernadez III.

“Di pa natin natukoy kung saan yung whereabout. Pati yung sasakyan nilang ginamit di pa natin na trace,” said ni Barbaso.

Pinagtulungan ng limang pulis upang sapilitang maisakay sa nakaparadang puting sasakyan ang biktima noong Oktubre 23.

Ang buong pangyayari ay nahagip ng CCTV ng isang establisyimento.

Nakilala ang limang pulis na sina PO2 Sangkula Hussein, PO2 Alejandro Ubanan, PO2 Jojo Lim, SPO1 Alaindelon Tacubao at S/Insp. Ereneo Ramirez.

“Nasa custody pa natin. Kung may order na galing sa korte, i-transfer na sa city jail,” sabi ni Barbosa.

Sinampahan na ang mga pulis ng mga kasong kidnapping with serious illegal detention at carnapping.

Isa sa tinitingnan na motibo ng NBI ay ang umano’y pagbebenta ng lupa ng girlfriend ng biktima na nagkakahalaga ng P6.5 million.

“Isa yan sa mga angles na tinitingnan natin although di pa natin na establish exactly yung motive,” paliwanag ni Barbosa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.