AL KHOBAR - Pinarangalan ng Philippine Nurses Association Eastern Region, Saudi Arabia (PNA-ERSA) ang 35 outstanding Filipino nurses mula sa 17 ospital sa Al Khobar dahil sa kanilang hindi matatawarang dedikasyon at serbisyo. Kabilang dito si Cherry Lagasca na 16-taon nang nagse-serbisyo bilang nurse sa Magrabi Eye Center.
“Ako’y lubos pong nagpapasalamat sa award na ibinigay sa amin, sa akin po. Isang malaking karangalan ito bilang nurse rito po sa Kingdom of Saudi Arabia,” sabi ni Lagasca, outstanding nurse, Magrabi Eye Center.
Nag-uumapaw naman ang tuwa si Barnes Louis Labayan, nursing quality supervisor sa Almana Hospital Jubail matapos makatanggap ng parangal.
“Ito’y maging inspirasyon sa pagtatrabaho pa para sa pamilya namin sa Pilipinas,” sabi ni Labayan, nursing quality supervisor, Almana Hospital Jubail.
Pinarangalan ng PNA-ERSA ang Pinoy nurses dahil sa kanilang propesyonalismo, pambihirang dedikasyon at serbisyo sa komunidad.
“They rendered service, especially during the pandemic. I think this is the right time that we have to recognise their different services up to this present,” sabi ni Rodrigo Umali, President, PNA-ERSA.
“They gave loving care, the loving care towards our patients, not only towards our patients but also to our fellow OFW,” sabi ni Mary Jane Tupas, adviser, PNA-ERSA.
Inalala rin nila at binigyang pugay ang kapwa nurse na si Angeline Aguirre na namatay sa Kfar, Gaza. Hindi iniwan ni Aguirre ang inaalagang matanda noong umatake ang grupong Hamas sa Israel.
“Kahanga-hanga talaga ang ginawa ni nurse Angeline na itinaya niya ang kanyang buhay,” sabi ni Myra Galang, outstanding nurse, Arrawdah General Hospital.
“Ito ay nagpapapatunay lang kung gaano ka-dedicated ang isang nurse. Ito ay isang bokasyon hindi lang isang propesyon,” sabi ni Arlene Navarro, past president, current adviser, PNA-ERSA.
Sa huling datos ng DFA, isang Ilongga caregiver na si Grace Prodigo Cabrera ang ikaapat na OFW na namatay sa pag-atake ng grupong Hamas sa Israel.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Saudi Arabia, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: