Mayor Isko, magbibigay ng bagong insentibo sa mga barangay na COVID-free hanggang Enero 2021

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2020 10:04 PM

Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso. ABS-CBN News/File photo

MAYNILA - Upang mahikayat ang mga barangay na panatilihing ligtas laban sa COVID-19 ang kanilang lugar, magbibigay ulit ng cash incentive na P100,000 si Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso para sa mga barangay na hindi na makapagtatala ng bagong kaso ng COVID-19 hanggang sa katapusan ng taon.

Pinirmahan ng alkalde ang isang executive order na magbibigay ng reward sa mga barangay na walang bagong kaso ng COVID-19 mula Disyembre 1, 2020 hanggang Enero 31, 2021. 

Noong nakaraang linggo, nagbigay na ang Manila LGU ng P100,000 sa 73 barangay na hindi nagkaroon ng COVID-19 mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 31. 

“Dahil sa inyo mga barangay official, dahil sa inyo mga mamamayan kong taga lungsod ng Maynila, dahil sa inyo mga batang Maynila, nasa inyo nakasalalay na huwag tayong magkahawa-hawa," ani Moreno.

Isa ang Barangay 446 sa Sampaloc, Maynila sa mga hindi nagkaroon ng bagong kaso ng COVID-19. 

Nilimatahan kasi ang galaw ng tao rito, at kahit delivery ng pagkain at iba pang item ay hindi pinayagan sa bahay-bahay.

“Sa totoo lang, noon una, marami kaming nakaaway, lalo na ang mga senior hindi maiiwasang magalit. Konting labas lang ng senior namin, sinasaway namin, pumasok kayo," ani Barangay 446 Chairman King Ancheta.

Ipagpapatuloy ng barangay ang mahigpit na protocols upang muling makakuha ng pabuya sa Enero. 

Ang nauna na nilang natanggap na P100,000 ay ibibigay na donasyon sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.