Ilang residente ng Rodriguez, Rizal wala pa daw ayuda mula sa gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2020 05:31 PM

MAYNILA – Ilang araw matapos humupa ang baha na dulot ng bagyong Ulysses ay unti-unti nang ibinabalik sa normal ng mga residente ang kanilang buhay.

Pero malaking hamon pa rin ito para sa marami, partikular na sa mga taga-Rodriguez, Rizal na labis na napuruhan ng baha.

Nanlumo si Alma Arambolo nang makita ang bahay niya matapos ang matinding pagbaha nitong nakalipas na linggo. Lahat ng gamit niya basa at karamihan ay nasira. 

Malapit lang sa creek ang bahay ni Arambolo kaya mabilis ang pag-angat na tubig na umabot na sa bubong ng bahay nila. 

Ang mga naisalba lang niya ay mga alagang aso, pusa at manok. 

"Turing ko sa kanila mga anak ko, ganoon ko sila kamahal," ayon sa ginang.

Nakaligtas man sila ng asawa niya at mga alaga, wala naman natira sa mga gamit niya kaya humihingi siya ng tulong at ayuda.

Aniya, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno pero may mga pribadong grupo na ang nagbigay ng pagkain. 

Sana aniya, wag din silang kalimutan lalo't nakatira sila sa looban pa ng Phase 1D-E at hindi na daw umaabot doon ang tulong.

"Kapag may grasya, kami sa dulo, disgrasya," sabi niya.

Ang mananahi naman na si Jose Epetia ay ganoon din ang sitwasyon. 

Sira lahat ng gamit, pati mga makina sa patahian niya. 

"Apektado ang kabuhayan. Walang pambili ng bigas at gamot, maintenance drug pa ako." 

Watch more in iWantTFC

Marami sa mga residente ang tuloy-tuloy ang paglilinis ng mga bahay dahil umabot sa second floor ang baha kaya ngayon ay puro putik ang bahay at mga kalsada. 

Maraming naglalaba sa gilid ng daan at naghuhugas rin ng mga kagamitan, umaasang maisasalba pa ang mga ito.

Lahat sila humingi ng tulong gaya ng pagkain, banig, kumot, bota, gamot at iba pang essential goods. 

May mga tumulong din mula sa pribadong sector at nagpapasalamat naman sila dito.

–Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.