Evacuees sa Rodriguez, Rizal nagkagulo sa pagdating ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2020 05:07 PM | Updated as of Nov 16 2020 09:17 PM

Nagkagulo sa isang evacuation center sa Rodriguez, Rizal sa pagdating ng mga donasyong pagkain nitong Nobyembre 16, 2020. Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Nagkagulo ngayong Lunes sa isang evacuation center sa bayan ng Rodriguez, Rizal matapos dumating ang mga donasyong pagkain.

Naggitgitan ang mga evacuee sa Kasiglahan Village Senior High School para lang makakuha ng lutong pagkain dala ng mga pribadong donor na sakay ng 2 kotse bandang tanghali.

Mayroon ding isang religious group sakay ng isang tricycle na pinagkaguluhan ng evacuees dahil namimigay ng bigas at mga de-lata.

Watch more in iWantTFC

May grupo ring nagbigay ng higit 1,000 kahon ng maiinom na tubig pero hindi lahat ng binaha ay nakakuha ng tulong.

Dagdag ang bigay ng mga pribadong donor sa mga naunang tulong ng national government.

Ayon kay Rodriguez Mayor Tom Hernandez, may sapat namang supply bagaman nanawagan din siya para sa karagdagang ayuda.

"Hindi po kulang kasi ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) nagbigay... marami pribado nagbibigay ng tulong, ng donasyon dito," ani Hernandez.

Nasa 500 pamilya ang nagsisiksikan sa eskuwelahan.

Hindi pa nila mabalikan ang kanilang mga bahay dahil sa mula tuhod hanggang baywang na putik at basura sa mga daan kaya hinahakot na lang muna nila ang kanilang mga gamit. 

Ayon kay Hernandez, may resolusyon ang lokal na pamahalaan na nagdedeklarang danger zone sa may Kasiglahan Village.

Payag naman umano ang karamihan sa mga residente na ma-relocate.

Nasa 8 ang namatay habang 2 ang nawawala kasunod ng pananalasa ng Ulysses sa Rodriguez, ani Hernandez.

Wala pa ring kuryente at tubig sa ilang lugar sa bayan na lubog sa baha.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.