Guro, 12 estudyante sugatan sa aksidente sa CDO

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2019 12:21 AM

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO—Sugatan ang isang guro at 12 estudyante matapos maaksidente ang kanilang sinasakyang jeep sa Macapagal Drive, Upper Carmen, Cagayan De Oro City nitong Biyernes ng hapon.

Galing recollection ang mga biktima ng Merry Child School at papauwi na sana nang maaksidente.

Ayon sa security guard na si Alexander Ganzan, nakita niya na pababa ang jeep pero tila nawalan ito ng preno.

Nabangga nito ang sinusundan sasakyan at isa pang nakaparadang sasakyan bago bumaliktad, aniya.

Ayon kay Police Staff Sgt. Rey Corpuz, sinabi ng drayber ng jeep na nawalan ng preno ang sasakyan.

"According sa doctor, wala namang kritikal sa kanila. Meron lang inoobserbahan at isasailalim sa X-ray dahil nabagok ang ulo at may mga nabalian ng buto," aniya.

Nais naman ng presidente ng paaralan na si Oscar Salcedo na bukod sa drayber, kasamang imbestigahan ang operator ng jeep.

"Tinitingnan namin ngayon kung ano ang puwede naming isampa kasi kapag ganito na naaksidente ang sasakyan dahil nawalan ng preno, ibig sabihin walang maintenance ang sasakyan," aniya.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties ang drayber ng jeep.—Ulat ni Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.