PatrolPH

Sanggol na may saksak sa katawan, nakita sa basurahan

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2018 04:11 PM

COTABATO CITY - Isang sanggol na may bakas ng saksak sa katawan ang natagpuan sa isang basurahan sa Barangay Bagua Dos sa lungsod na ito Huwebes.

Ayon sa mga residente, may naamoy silang mabaho na inakala nila noong una ay patay na daga.

Nagulat na lamang sila nang makita ang bangkay ng sanggol na nakabalot sa plastik.

Sa basurahan sa gilid ng kanal natagpuan ang plastik na may lamang sanggol.

Hindi naman umano nakita ng mga residente kung sino ang nagtapon sa bangkay ng sanggol dahil walang ilaw sa bahaging iyon.

Ayon sa pulisya, nasa dalawang araw pa lamang ang natagpuang sanggol. May bakas rin ng saksak ang kaniyang katawan.

Binigyan na nang maayos na libing ng mga residente ang sanggol. Inaalam pa ng pulisya kung sino ang ina ng sanggol at kung residente rin ito sa kanilang barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.