'Notoryus na snatcher,' timbog matapos sumemplang sa motor

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2018 06:42 PM | Updated as of Nov 16 2018 07:44 PM

Ilang sandali bago ang paghablot ng umano'y notoryus snatcher sa cellphone ng isang babae sa Quezon City. Screengrab

Isang "notoryus" snatcher na gumagamit ng motorsiklo at "halos araw-araw nambibiktima" ang nasakote ng pulisya nitong Huwebes matapos sumemplang malapit sa police checkpoint. 

Isang babae ang tinangayan ng bag ng suspek na si Alfie Malabasco sa may Judge Jimenez street sa Kamuning, Quezon City pero sumemplang ito at nahabol kaya naisumbong sa malapit na police checkpoint.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero nang dalhin sa presinto ang suspek, dun na napag-alaman na apat na beses na palang nambiktima ito at nanghahablot ng cellphone at bag.

"Sunod-sunod din ito mambiktima. Kumbaga every other day, may nagyayari sa amin na robbery-snatching," ani Superintendent Benjamin Tremor, commander ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10. 

Sa ipinakita nilang CCTV footage na kuha ng Barangay Bagong Lipunan, naglalakad naman noong gabi ng Nobyembre 3 sa First Avenue si alyas "Peachy" habang hawak-hawak ang kaniyang cellphone.

Biglang sumulpot si Malabasco at lumiko sa direksiyon ni Peachy, saka hinablot ang kaniyang cellphone.

Sinubukan pang habulin ni Peachy ang snatcher pero mabilis itong humarurot palayo.

"Naglalakad ako, biglang sa likod ko may dumaan na motor tapos nanghablot ng phone," ayon sa biktima.

Todo-tanggi naman ang suspek sa mga akusasyon sa kaniya pero tuloy ang pagsasampa sa kaniya ng kasong robbery-snatching.

—Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.